Sa di-pormal na pulong tungkol sa isyu ng Myanmar na idinaos kahapon, Biyernes, ika-26 ng Pebrero 2021, ng Ika-75 Pangkalahatang Asembleya ng United Nations (UN), ipinahayag ni Zhang Jun, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, ang pag-asang maayos na malulutas ng nagtutunggaliang panig ng Myanmar ang mga pagkakaiba, sa ilalim ng balangkas ng Konstitusyon at mga batas ng bansang ito, at sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.
Sinabi niyang, nakikipag-ugnayan ang Tsina sa iba't ibang panig ng Myanmar, para pahupain ang kasalukuyang tensiyon, at panumbalikin ang normal na kalagayan.
Dagdag ni Zhang, kinakatigan ng Tsina ang pagpapatingkad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng positibong papel, sa pamamagitan ng sariling paraan, sa isyu ng Myanmar. Sinusuportahan din aniya ng Tsina ang pamamagitan ng UN upang magkasundo ang mga naghihidwaang panig.
Ipinalalagay din niyang, ang mga pahayag at hakbangin ng komunidad ng daigdig ay dapat makatulong sa pagbawas ng mga pagkakaiba at paglutas sa mga problema sa Myanmar, at dapat iwasan ang ibayo pang pagsalimuot ng kasalukuyang kalagayan.
Editor: Liu Kai