Anim na raang libong (600,000) dosis ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na kaloob ng Tsina sa Pilipinas, at gawa ng Sinovac Biotech Ltd. (Sinovac) ang dumating ngayong araw, 4:10PM, Pebrero 28, 2021, sa Villamor Airbase, Pasay City.
Lulan ang mga bakuna ng isang eroplano ng People's Liberation Army (PLA) Air Force ng Tsina.
Ito ang katuparan ng pangako ng Tsina sa panahon ng opisyal na pagdalaw ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, noong nagdaang Enero 2021.
Isang seremonya ng paghahandog ang idinaos sa paliparan, na sinaksihan nina Pangulong Rodrigo Duterte; ilang miyembro ng kanyang gabinete; Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas; at ibang mga opisyal ng embahada.
Pagkaraan nito, ihinatid ang mga bakuna sa mga storage facility ng Kagawaran ng Kalusugan.
Matatandaang ipinatalastas noong Pebrero 22, 2021 ni Direktor Heneral Eric Domingo ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) na makaraang masuri ang mga datos mula sa huling yugto ng pagsubok, at muling matiyak ang pagiging ligtas at epektibo ng bakuna, binigyan ng emergency use authorization (EUA) ng FDA ang bakunang gawa ng Sinovac kontra COVID-19.
Ang desisyon aniya ay ginawa, "matapos ang isang masusi at mahigpit na pagsusuri ng aming tagapangasiwa at mga ekspertong medikal sa mga umiiral na naisapubliko at di-isinapublikong data."
Nakatakdang magsimula bukas ang inokulasyon ng mga bakunag kaloob ng Tsina.
Ulat: Ernest
Script-edit: Rhio/Jade
Web-edit: Jade
Larawan: PCOO