Manila Forum for Philippines-China Relations, idinaos

2021-03-04 11:59:52  CMG
Share with:

Manila Forum for Philippines-China Relations, idinaos_fororder_微信图片_20210304114221

 

Idinaos Miyerkules, Marso 3, 2021, sa pamamagitan ng video link ang unang Manila Forum for Philippines-China Relations (MFPCR).

 

Sa ilalim ng temang "Magtulungan para Pasulungin ang Pagbangon ng Kabuhayan -- Papel ng Tsina para sa Pagbangon ng Kabuhayang Panrehiyon Pagkatapos ng Pandemiya ng COVID-19," dumalo rito ang ibat-ibang opisyal at mahahalagang personahe mula sa Pilipinas at Tsina.

 

Sa kanyang keynote speech, inilahad ni Jin Liqun, Presidente ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB), ang mga hakbangin ng kanyang institusyon para suportahan ang pagsisikap ng mga kasaping bansa upang labanan ang pandemiya ng Corona Virus Diesease 2019 (COVID-19) noong nagdaang taon.

 

Sinabi niyang ginamit ng AIIB ang mga pleksibleng paraan para matugunan ang mga pangangailangan ng mga kasaping bansa sa paglaban sa COVID-19.

 

Ayon sa kanya, inaprubahan ng AIIB ang US$315 milyong Dolyares para tulungan ang sektor ng kalusugan ng Pilipinas at mga gawain ng bansa para mapanatili ang matatag na takbo ng kabuhayan at lipunan, lalo na para sa mahihirap at maliliit na negosyo.

 

Sinabi pa niyang tutulungan ng AIIB ang proyekto ng Pilipinas hinggil sa bakuna ng COVID-19.

 

Ipinalalagay niyang pagkatapos ng pandemiya ng COVID-19, posibleng kaharapin pa rin ng buong daigdig ang mga hamon at di-matiyak na situwasyon, at maaari ring lumala ang isyu ng utang ng maraming bansa.

 

Kaugnay nito, sinabi niyang ang AIIB ay hindi lamang nagtatampok sa mga proyekto ng impraestruktura, kundi gumaganap din ng mahalagang papel sa mga isyu ng pinansiya.

 

Binigyang-diin niyang nakahanda ang AIIB para tulungan ang mga kasaping bansa sa pagharap sa isyu ng utang sa hinaharap.

 

Sa kabilang dako, ipinahayag ni Kalihim Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI), na nitong ilang taong nakalipas, malaki ang natamong pag-unlad ng relasyon ng Pilipinas at Tsina sa iba't ibang larangan; at ang pagdating ng bakunang gawa ng Sinovac sa Pilipinas noong ika-28 ng nagdaang Pebrero ay isang bagong bunga ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.

 

Sinabi pa niyang ang bakuna ng Sinovac ay malaking tulong sa pagpuksa ng Pilipinas sa pandemiya ng COVID-19, at nagpapasigla sa pananalig ng mga tao sa pagbangon ng kabuhayan ng Pilipinas.

 

Sinabi niyang sa kasalukuyan, nasa landas ng paggaling mula sa masamang epekto ng pandemiya ang kabuhayan ng Pilipinas.

 

Umaasa aniya siyang mapapahigpit ng Pilipinas at Tsina ang mga kooperasyon, hindi lamang sa kalakalan at pamumuhunan, kundi rin sa inobasyon, manupaktura, at teknolohiya.

 

Ito aniya ay makakalikha ng mas maraming pagkakataon ng hanap-buhay sa Pilipinas at magpapabuti ng pamumuhay ng mga Pilipino.

 

Samantala, ipinahayag naman ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na sa kasalukuyan, kumikilos ang Tsina para gumanap ng papel sa pagpapasulong ng pagbangon ng kabuhayang panrehiyon sa panahon pagkatapos ng COVID-19.

 

Nanawagan siya sa iba't ibang panig na lumahok sa kooperasyong pandaigdig sa paglaban sa pandemiya at pasulungin ang pantay at makatuwirang pagbabahaginan ng mga bakuna kontra COVID-19.

 

Umaasa aniya siyang ipagkakaloob ng mga kalahok sa porum na ito ang mahalagang ideya at mungkahi para pasulungin ang pagbangon ng kabuhayan ng Tsina, Pilipinas, at rehiyong ito.

 

Dumalo rin sa porum sina Gloria Macapagal Arroyo, dating Pangulo ng Pilipinas; Chen Shixin, Vice-President ng Asian Development Bank (ADB); Kung Phoak, Deputy Secretary-General ng Sekretaryat ng ASEAN; at iba pang may kinalamang opisiyal at dalubhasa ng Tsina at Pilipinas.

 

Ang Manila Forum for Philippines-China Relations (MFPCR) ay magkasamang itinaguyod ng Embahadang Tsino sa Pilipinas at Association for Philippines-China Understanding ng Pilipinas.

 

Layon ng porum na ibayo pang palalimin ang pagkaka-unawaan at pagtitiwalaan, at bawasan ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawang bansa.

 

Matatandaang magkasamang dumalo, Enero 16, 2021 sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Gloria Macapagal-Arroyo, dating Pangulo ng Pilipinas, sa seremonya ng inagurasyon ng MFPCR.

 

Reporter: Enerst Wang
Pulido: Rhio Zablan
Editor: Liu Kai

Please select the login method