Binibigyan ng seryosong pansin ng mundo ang“Dalawang Sesyon” dahil malakas ang “impact” nito sa kalagayan ng daigdig, na kailangan pag-aralan upang maintindihan ang mabubuting intensiyon ng Tsina para sa taong-bayan at para sa sangkatauhan.
Ipinahayag ito ni Herman Laurel, Founder ng Philippine-BRICS Strategic Studies think tank, sa panayam ng China Media Group Filipino Service.
Maraming mga nilalaman ng Government Work Report ni Premier Li Keqiang ng Tsina, na inilahad noong Marso 5, 2021 sa opening ng Two Sessions ang nakatawag ng pansin ni Laurel.
Aniya,“(Naka)tawag-pansin talaga ang paulit-ulit na (pag)banggit sa “kapakanan ng bayan” o “kabutihan ng taong-bayan”. Nakatutok talaga sa pag-aangat ng kabuhayan ng sambayanan. Lahat ng mga patakaran na pinag-uusapan sa Government Work Report ay ang kapakanan ng taong-bayan.”
Kabilang dito ang pagtulong sa Small and Medium Enterprises (SMEs), pagbabawas ng buwis sa negosyo at sa taong-bayan, pag-umento sa sahod ng mga manggagawang Tsino, pagpapalakas ng poder ng konsumador ng Tsino, yung mga hakbangin tungo sa pagsugpo ng COVID-19, mga pagsulong ng makabagong teknolohiya, saad ni Laurel.
Dagdag niya, “Ito naman ay makakabuti sa buong Asya, lalong-lalo na sa mga bansa sa RCEP (Regional Comprehensive Economic Partnership) na tataas ang mga export upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga konsumador na ito."
Kasalukuyang idinadaos sa Beijing ang tauang Liang Hui o Dalawang Sesyon, pinakamahalagang pagpupulong ng Tsina.
Ang taunang Dalawang Sesyon ay ang katumbas ng State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ng Pilipinas na dinadaluhan ng magkasanib na kapulungan ng mga Kongresista at Senador.
Ang Dalawang Sesyon ay tumutukoy sa sesyong plenaryo ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC), pinakamataas na organong tagapayo ng Tsina at sesyong plenaryo ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), pinakamataas na organong panlehislatura ng bansa.
Para sa karagdagang pananaw ni Laurel, pakitunghayan ang webpage na: Katatagan sa Hong Kong, magdudulot ng masayang hanapbuhay ng mga OFW: Herman Laurel
Ulat: Machelle Ramos
Edit: Jade/Mac
Larawan: Herman Laurel
Espesyal na pasasalamat kay Frank Liu Kai