File photo ni Embahador Sta. Romana sa panayam ng CMG-Filipino Service
Pakinggan ang buong pahayag ni Embahador Sta. Romana
"Sa katunayan, malaking bagay iyong pagdating ng mga bakuna mula sa Tsina, kasi medyo matagal na ring inasahan ng Pilipinas na makakuha ng bakuna [mula] sa iba't-ibang panig ng mundo, pero sa nakita natin, hindi ganoon kadaling makakuha ng bakuna mula sa ibang may-kayang bansa. Kasi ang unang iniisip nila ay tulungan iyong kanilang mga mamamayan, kaya hindi masyadong nagbibigay sa ibang bansa."
Ito ang ipinahayag, Marso 6, 2021 ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina sa eksklusibong panayam sa China Media Group-Filipino Service hinggil sa 600,000 dosis na bakunang kontra Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) na gawa ng Sinovac at ipinagkaloob ng Tsina sa Pilipinas noong Pebrero 28, 2021.
Aniya, napakahalaga ng naturang mga bakuna para sa sambayanang Pilipino, kaya mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang sumalubong sa paliparan.
Sinabi ni Sta. Romana, na noong Hunyo ng nakaraang taon, ipinangako ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Pangulong Duterte, na tutulungan ng Tsina ang Pilipinas sa laban nito kontra COVID-19, at ang pagdating ng naturang mga bakuna ay ang katuparan ng pangako ng pangulong Tsino.
Ani Sta. Romana, binabalak ngayong taon ng pamahalaan ng Pilipinas na bakunahan ang mga 70 milyong Pilipinong nasa hustong gulang upang magkaroon ng "herd immunity" at ang mga bakunang kaloob ng Tsina ang siyang naging panimulang pagsulong tungo sa layuning ito.
Samantala, dumating na rin aniya sa Pilipinas ang pangalawang batch ng bakuna mula sa Europa sa ilalim ng World Health Organization COVAX facility, at sa buwang ito, inaasahan ang pagdating ng isa pang batch ng bakunang gawa ng Sinovac ng Tsina na binubuo ng 1,000,000 dosis.
Bukod pa riyan, sinabi ni Sta. Romana, na noong nakaraang taon, isang barko ng Hukbong Pandagat ng Pilipinas, at halos 70 eroplanong kinabibilangan ng ilan mula sa Hukbong Panghimpapawid ng Pilipinas ang naglayag at lumipad patungong Tsina upang kunin ang mga personal protective equipment (PPE), suplay at kagamitang medikal, na pananggalang sa COVID-19.
Ito aniya ay kasama sa malakas na pagtutulungan ng Pilipinas at Tsina laban sa pandemiya.
Binigyang-diin ni embahador, na "iyong kooperasyong ng dalawang bansa, lalung-lalo na sa larangan ng pagsugpo sa pandemiya, at kooperasyon sa larangan ng bakuna ang siyang nangungunang gawain – ito ang pangunahing aytem ngayon sa bilateral na agenda, dahil ito ang kinakaharap ng dalawang bansa na pangunahing panganib, ito ngang COVID-19."
Samantala, sa usapin ng pagpapanumbalik ng kabuhayang Pilipino sa pamamagitan ng bakuna, sinabi ni Sta. Romana, na "masasabi natin na kung walang bakuna, mahihirapan - maaari pang sabihing, maaaring maging imposible ang economic recovery."
Sa karanasan aniya ng Pilipinas, kung saan, kulang ang yaman ng pamahalaan, napakarami pa rin ang mga taong nagsisiksikan o mga informal settler, lalo na sa malalaking lunsod, kaya mahirap ipatupad ang lockdown dahil walang mapagkakakitaan ang mga tao.
Sinabi ng embahador na sa usaping ito may malaking papel na gagampanan ang bakuna, dahil makakatulong ito sa pagsugpo o pagkontrol ng pandemiya, na siyang magiging daan sa unti-unting pagbubukas ng mga industriya at negosyo, at magreresulta sa pagbangon ng kabuhayan.
"Kailangan ang bakuna! Kailangang mabakunahan, lalo na iyong mga 70 milyong Pilipinong nasa hustong gulang para maumpisahan na ang economic recovery, makapagtrabaho na sila, at makalabas na sila sa bahay," diin ni Sta, Romana.
Reporter: Rhio Zablan