File photo ni Embahador Sta. Romana sa panayam ng CMG-Filipino Service
Pakinggan ang buong pahayag ni Embahador Sta. Romana
"Habang lumalaki ang ekonomiya ng Tsina, lumalaki rin ang merkado para sa ating pagluluwas, [at] pinanggagalingan ng pag-aangkat, [kaya] sa madaling sabi, positibo ang magiging epekto sa ating economic development, kung tutuloy ang pag-unlad ng ekonomiya ng Tsina."
Ito ang ipinahayag sa China Media Group-Filipino Service, Marso 6, 2021 ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, kaugnay ng paglago ng kabuhayang nakasaad sa Government Work Report (GWP) na inilahad kahapon ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa idinaraos na Liang Hui o Dalawang Sesyon.
Aniya, isang malaking bahagi ng relasyon ng Pilipinas at Tsina ay iyong tinatawag na economic partnership.
Sa foreign trade, import market, import source, Tsina ang pinakamalaking partner ng Pilipinas, ani Sta. Romana.
Kung magpapatuloy aniya ang pag-unlad ng ekonomiya ng Tsina, lalawak pa ang larangan ng ekonomikong kooperasyon ng dalawang bansa.
Sa naturang GWP, sinabi ni Sta. Romana na iyong diskusyon tungkol sa ekonomiya - "kung ano ang estratehiya na gagamitin ng Tsina at saka kung ano ang growth rate target niya sa taong ito" ay may malaking epekto sa Pilipinas.
Aniya, ipinakita sa GWP ni Premyer Li, na lumaki pa rin ng 2.3% ang ekonomiya ng Tsina kahit pa apektado ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) ang Tsina at buong mundo.
Bagamat, ito ang pinakamaliit na paglaki sa kasaysayan ng repormang pang-ekonomiya ng Tsina, kailangang tandaan, na nangyari ito sa panahon pandemiya, at ang Tsina lamang ang nagkaroon ng positibong paglaki sa hanay ng malalaking ekonomiya sa daigdig, pahayag ni Sta. Romana.
Aniya pa, inilahad sa naturang GWP ang plano ng Tsina na palaguin ng higit 6% ang ekonomiya ng bansa sa taong 2021, at inilatag din ang Vision 2035, kung saan nakadetalye ang mga natakadang gawin ng bansa sa susunod na 15 taon.
Lahat ito ay malaking bagay na maaaring sundan ng Pilipinas, dagdag ng embahador.
Sa kabilang dako, pinapurihan din ni Sta. Romana ang pagkakasugpo ng Tsina sa ganap na kahirapan.
Ang mga hakbang na ginawa at patuloy na ginagawa ng Tsina na tulad ng pagpapaunlad ng konsumo; pagtulong sa mga micro, small at medium business enterprises (MSME); pagpapaliit ng binabayarang buwis; subsidiya; at suporta ng gobyerno ay pawing napakahusay, ani Sta. Romana.
Ito rin aniya ang mga hamong kinakaharap ng Pilipinas, kaya magiging napakahalagang aral ang mga ito para sa bansa.
Ang Liang Hui, na nangangahulugang Dalawang Sesyon ay ang pinaka-importanteng taunang pagpupulong ng buong pamahalaang Tsino.
Dito, nagpupulong ang Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC), pinakamataas na organong tagapayo ng Tsina; at Pambansang Kongresong Bayan (NPC), pinakamataas na organong panglehislatura ng Tsina.
Sa pamamagitan ng dalawang pulong na ito, ini-uulat ang mga nakaraang gawain at bunga ng mga gawain ng pamahalaan, ini-uulat ang mga nakatakdang gawain ng pamahalaan sa susunod na yugto, ipinapanukala at pinagdedebatehan ang mga mosyon, at inaaprubahan ang mga mosyon upang maging batas.
Ang Liang Hui ay ang katumbas ng magkasanib na sesyon ng Kamara de Representantes at Senado tuwing State-of-the-Nation Address (SONA) ng pangulo ng Pilipinas.
Reporter: Rhio Zablan