Ayon sa datos na inilabas nitong Martes, Marso 9, 2021 ng Departamento ng Kalusugan (DOH) ng Pilipinas, hanggang alas kuwatro ng hapon, Martes, local time, umabot na sa 600,428 ang kabuuang bilang ng mga naitalang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa, at 12,528 naman ang mga pumanaw.
Kabilang dito, 2,668 ang mga naidagdag na kumpirmadong kaso, at 7 ang mga bagong pumanaw.
Ayon kay Rabindra Abeyasinghe, Kinatawan ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas, sa kasalukuyan, may pagtalbog pabalik ang kalagayan ng pandemiya sa Pilipinas, pero hindi ito katumbas ng lebel sa peak period noong nagdaang Hulyo at Agosto.
Sa kanya namang talumpati sa telebisyon nitong Lunes ng gabi, ipinaalaala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mamamayan na sundin ang mga alituntunin ng pagpigil sa pandemiya, patuloy na magsuot ng maskara, at panatilihin ang social distancing.
Salin: Vera
Pulido: Rhio