Ayon sa komunikeng inilabas nitong Martes, Marso 23, 2021 ng Palasyong Pampanguluhan ng Gabon, nagpa-iniksyon nang araw ring iyon si Pangulong Ali Bongo Ondimba at ang kanyang unang ginang ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na idinebelop ng China National Pharmaceutical Group (Sinopharm).
Sa pamamagitan ng social media, inilabas ng nasabing mag-asawa ang mga video at litrato ng pagbabakuna.
Nanawagan sila sa mga mamamayan na magpa-iniksyon na rin sa lalong madaling panahon.
Saad ni Pangulong Bongo, hindi sapilitan ang pagbabakuna sa lahat ng mamamayan ng Gabon, pero ayon sa mga dalubhasa sa loob at labas ng bansa, mas makabubuti kung maraming mamamayan ang magpapabakuna.
Ang bakunang itinurok sa mag-asawa ay kabilang sa unang pangkat ng donasyon ng pamahalaang Tsino, at dumating ang mga ito sa Libreville, kabisera ng Gabon noong Marso 12.
Samantala, sinimulan ng Gabon ang COVID-19 vaccine rollout nitong Marso 23.
Salin: Vera
Pulido: Rhio