Ipinatalastas Biyernes, Marso 26, 2021 ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pagpapataw ng sangsyon laban sa ilang indibiduwal at entidad ng Britanya.
Nitong nakalipas na ilang araw, batay sa mga kasinungalingan at pekeng balita, ipinapataw ng panig Britaniko ang sangsyon sa mga indibiduwal at entidad ng Tsina, dahil sa paglabag sa karapatang pantao sa Xinjiang, bagay na lantarang lumalabag sa pandaigdigang batas at pundamental na norma ng relasyong pandaigdig, walang pakundangang nakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, at malubhang nakakapinsala sa relasyong Sino-Britaniko.
Ipinatawag na ng Chinese Foreign Ministry ang embahador ng Britanya sa Tsina, at iniharap ang solemnang protesta, buong tatag na pagtutol at mariing pagkondena rito.
Ipinasiya ng panig Tsino na patawan ng sangsyon ang 9 na indibiduwal at 4 na entidad ng panig Britaniko na tikis na nagpalaganap ng kasinungalingan at pekeng balita. Ang mga ito ay sina: Tom Tugendhat, Iain Duncan Smith, Neil O'Brien, David Alton, Tim Loughton, Nusrat Ghani, Helena Kennedy, Geoffrey Nice, Joanne Nicola Smith Finley, China Research Group, Conservative Party Human Rights Commission, Uyghur Tribunal, at ang Essex Court Chambers.
Mula Marso 26, bawal nang pumasok ang mga nasabing personalidad at kani-kanilang mga kapamilya sa Chinese mainland at mga Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong at Macao, ang kani-kanilang ari-arian sa Tsina ay naka-freeze o di pwedeng galawin, at hindi na rin pwede ang pakikipag-transaksyon sa kanila ng mga mamamayan at organong Tsino.
Matatag ang determinasyon ng panig Tsino sa pagtatanggol sa soberanya, seguridad at kapakanang pangkaunlaran ng bansa, at hinimok ang panig Britaniko na huwag lalong tahakin pa ang maling landas.
Salin: Vera
Pulido: Mac