Dumating ngayong hapon, Lunes, Marso 29, 2021, sa Villamor Air Base sa Pasay City, ang 1 milyong dosis ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), na binili ng pamahalaan ng Pilipinas mula sa Tsina.
Ito ang unang pangkat ng mga bakunang kinuha ng Pilipinas sa pamamagitan ng commercial procurement, at ang mga bakuna ay gawa ng Sinovac Biotech Ltd. ng Tsina.
Sinaksihan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paliparan ang pagdating ng naturang mga bakuna, kasama si Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, at ilang miyembro ng gabineteng Pilipino.
Ito na ang ikatlong pangkat ng mga bakuna ng Sinovac na dumating ng Pilipinas sapul noong Pebrero ng taong ito.
Ang unang dalawang pangkat na may kabuuang bilang na 1 milyong dosis ay libreng ipinagkaloob ng pamahalaang Tsino.
Sa naunang panayam sa China Media Group-Filipino Service, sinabi ni Helen Yang, General Manager ng Sinovac Biotech (Hong Kong) Limited, na sa kabila ng mahigpit na pangangailangan ng mga bakuna sa buong mundo, buong sikap na nakikipagkoordina ang kanyang kompanya sa panig Pilipino sa usapin ng suplay ng mga bakuna, para hindi maantala ang vaccine rollout ng bansa.
Dagdag pa ni Yang, para matugunan ang pangangailangan ng iba't ibang bansang kinabibilangan ng Pilipinas, itinataas ng Sinovac ang production capacity, at sa darating na Mayo o Hunyo, inaasahang aabot ito sa 2 bilyong dosis kada taon.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan
Photo courtesy: RTVM
Ikalawang pangkat ng bakunang gawa ng Sinovac, dumating ng Pilipinas
Mga kaso ng COVID-19 variants, nadiskubre sa iba't ibang parte ng Metro Manila
Tsina at Pilipinas, palalakasin ang kooperasyon para dagdagan ang benepisyo sa mga mamamayan
ADB at AIIB, magkakaloob ng pautang sa Pilipinas para bumili ng mga bakuna kontra COVID-19