CMG Komentaryo: Mga politikong Kanluraning naninira sa Xinjiang, dapat pagsisihan ang sariling kasaysayan ng paglapastangan sa karapatang pantao

2021-03-30 09:39:47  CMG
Share with:

CMG Komentaryo: Mga bunga ng pangangalaga sa karapatang pantao ng Xinjiang, kitang-kita sa kabila ng panlalait

 

Sa kanyang komentaryo na inilabas Marso 26, sa Russia Today, sinabi ni Caitlin Johnstone, independent journalist na nakabase sa Melbourne, Australia, na kaugnay ng pakunwaring pagpapahalaga ng Amerika sa kapakanan ng mga Muslim ng Tsina, ang siyang tanging makatwirang pagtugon ay ang pagtawa, pangungutya at panlilibak.

 

Tama si Johnstone. Ang mga politikong Kanluranin na nagbubulag-bulagan sa patindi nang patinding rasismo ng kani-kanilang bansa ay paano magpapahalaga sa mga karapatang pantao ng mga mamamayan ng Xinjiang, Tsina, na labis na malayo sa kanila?

 

Higit pa, sa isang banda, ipinahayag nila ang kanilang di-umano'y malasakit sa mga karapatang pantao ng mga taga-Xinjiang, at sa kabilang banda naman, sa pamamagitan ng pagpataw ng sangsyon sa bulak ng Xinjing, mawawalan ng trabaho ang ilang milyong magsasakang taga-Xinjiang na nagtatanim ng bulak. Paano ipapaliwanag ng mga politikong Kanluranin ang naturang kabalintunaan?

 

Sa katotohanan, ang kasipagan at pagpupursige tungo sa kapakinabangan ay laging pinaniniwalaan at iginigiit ng mga mamamayang Tsino at ito rin ang lakas para sa kaunlaran ng bansa. Kaya, bago sa pandinig ng mga Tsino ang di umano'y “forced labor.” Taliwas dito, sa kasaysayan ng mga bansang Kanluranin, hindi mabubura ang“forced labor.”

 

Halimbawa, sa Amerika, noong unang dako ng ika-18 siglo, kasabay ng pagpapalawak ng industriya ng bulak, maraming aliping Aprikano ang ipinadala sa dakong timog ng bansa para mamitas ng bulak. Pinilit silang magtrabaho at matindi ang kanilang ipinagdusa.  

 

Ang naturang madilim na panahon ay bahagi lamang ng daan-daang kasaysayan ng pang-aalipin ng Estados Unidos. Ito rin ang pangunahing ugat ng kasalukuyang komprehensibo, sistematiko at walang-tigil na diskriminasyong panlahi nito.

 

Malubha rin ang mga hakbangin ng Amerika laban sa mga Muslim. Ang Amerika ay ang tanging bansa na naglabas ng Muslim ban. Ayon sa 2018 Civil Rights Report ng Council on American-Islamic Relations (CAIR), lumaki ng 17% ang anti-Muslim bias incidents sa buong Amerika noong 2017 kumpara sa 2016. Kasabay nito, tumaas naman ng 15% ang hate crime na nakatuon sa mga Amerikanong Muslim na kinabibilangan ng mga bata, kabataan, at pamilya.

 

Bukod dito, sa pangangatwiran ng paglaban sa terorismo, inilunsad ng Amerika ang mga digmaan sa Afghanistan, Syria, at Iraq, bagay na nauwi sa pagkawala ng tahanan ng milyun-milyong Muslim. Sa gitna ng pandemiyang dulot ng COVID-19, walang humpay na nagpapataw ng presyur ang Amerika sa Iran, na nagreresulta sa pagbulusok sa kabuhayan ng lokalidad at pagdurusa ng mga mamamayan.

 

Tulad ng sabi ni Lawrence Wilkerson, retiradong US army colonel, kung paplanuhin ng Central Intelligence Agency (CIA) na i-destabilize ang Tsina, ang pinakamagandang paraan ay ang pag-umpisa ng operasyon sa pamamagitan ng isyu ng Uygur.

 

Salin: Jade

Pulido: Mac 

Please select the login method