Ipinahayag ng Tsina ang buong-tatag na suporta sa pagkakaroon ng talastasang pangkapayapaan hinggil sa kasalukuyang kalagayan sa Myanmar, sa pamamagitan ng ASEAN. Kinakatigan din nito ang pagdaraos ng Espesyal na Pulong ng mga Lider ng ASEAN para sa mediyasyon sa Myanmar sa lalong madaling panahon.
Winika nito ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina sa kanyang pakikipagtagpo kay Hishammuddin Hussein, Ministrong Panlabas ng Malaysia, nitong Huwebes, Abril 1, sa lunsod Nanping sa lalawigang Fujian, Tsina.
Dagdag pa ni Wang, bilang mapagkaibigang kapitbansa ng Myanmar, umaasa ang Tsina na alang-alang sa pangmatagalang interes ng bansa, ang mga may kinalamang panig ng naturang bansa ay makakapag-umpisa ng diyalogo at konsultasyon sa lalong madaling panahon. Sa gayon, maaalis ang pagkakaiba, batay sa konstitusyon at balangkas na pambatas, para patuloy na isulong ang proseso ng pagbabagong demokratiko na mahirap na natamo.
Kasabay nito, sumang-ayon din ang dalawang ministrong panlabas ng Tsina’t Malaysia na ang komunidad ng daigdig ay dapat manindigan sa saligang norma ng di-panghihimasok sa mga suliraning panloob at makalikha ng mainam na kapaligiran para sa domestikong rekonsilyasyong pulitikal ng Myanmar.
Salin: Jade
Pulido: Mac