Kaugnay ng pahayag ng tagapangulo ng United Nations Security Council (UNSC) tungkol sa mga kaganapan sa Myanmar, sinabi kahapon, Biyernes, ika-12 ng Marso 2021, ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asang makakatulong ito sa pagpapahupa ng tensyon sa Myanmar.
Dagdag niya, aktibong lumahok ang Tsina sa pagsasanggunian para sa naturang pahayag. Nakahanda aniya ang Tsina, na patuloy na makipag-ugnayan sa iba't ibang panig ng Myanmar, para gumanap ng konstruktibong papel sa usaping pangkapayapaan ng bansang ito.
Ipinahayag din ni Zhao ang pagsuporta ng panig Tsino sa pagsasagawa ng Association of Southeast Asian Nations at espesyal na sugo ng pangkalahatang kalihim ng UN ng medyasyong diplomatiko sa isyu ng Myanmar.
Aniya pa, dapat lumikha ang komunidad ng daigdig ng paborableng kondisyon, para sa pagpapahupa ng tensyon at pagpapasulong ng diyalogo sa Myanmar.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos