Ipinatalastas Linggo ng gabi, Marso 14, 2021 ng State Administration Council ng Myanmar na sinunog nang araw ring iyon ang ilang pabrika sa dalawang township na Hlaingthaya at Shwe Pyi Thar ng Yangon. Upang mabisang mapangalagaan ang seguridad at pangangasiwa alinsunod sa batas, ipinasiya nitong ipatupad ang batas-militar sa nasabing mga lugar.
Kaugnay nito, hiniling nitong Linggo ng tagapagsalita ng Pasuguan ng Tsina sa Myanmar na imbestigahan at parusahan ang mga may kagagawan, alinsunod sa batas.
Nanawagan din ang tagapagsalita sa mga mamamayan ng Myanmar na ipahayag ang sariling kahilingan, ayon sa batas, at huwag silang magpa-udyok at magpagamit sa mga nais sumira sa kooperasyong pangkaibigan ng dalawang bansa.
Karamihan sa mga biktimang kompanya ay galing sa industriya ng paghabi at paggawa ng kasuotan, at ang inilagak na puhunan ng mga kompanyang Tsino sa mga larangang ito ay nakalikha ng halos 400,000 hanap-buhay para sa Myanmar.
Ang naturang kriminal na gawain ay nakakapinsala rin sa kapakanan ng mga mamamayan ng Myanmar, dagdag ng nasabing tagapagsalita.
Salin: Vera
Pulido: Rhio