Bilang pagsunod sa atas ng pamahalaan, sinimulan sa Beijing nitong Marso 26, 2021 ang pagbabakuna kontra COVID-19 para sa mga dayuhan.
Maaaring magpabakuna ang mga dayuhan na nasa edad 18 taong gulang pataas.
Sa kasalukuyan, binigyan ng Tsina ng conditional approval o emergency use authorization sa loob ng bansa ang tatlong inactivated vaccines (Sinovac, SinoPharm at Wuhan Institute), isang adenovirus vector vaccine (CanSino) at isang recombinant protein sub-unit vaccine (Zhifei). Ang lahat ng ito ay ligtas batay sa mga pag-aaral, ayon sa National Health Commission.
Sa Beijing kasalukuyang ginagamit ang inactivated SARS-CoV-2 vaccines.
Isa si Ramil Santos sa mga dayuhang estudyante na nagdesisyong magpabakuna matapos ialok ito ng BeiHang o Beijing University of Aeronautics and Astronautics.
Aminado ang Ph.D. candidate sa Flight Vehicle Design, School of Astronautics na noong una, siya'y may agam-agam at pangamba dahil walang katiyakan na epektibo ang bakuna at sa magiging reaksyon nito sa kaniyang katawan. Sabi niya,“Sumugal ako at nagpasiya na magpabakuna para sa aking kaligtasan kahit hindi ko alam kung anong mangyayari sa hinaharap. Nagbayad kami ng 93.5RMB per dose o 187 RMB sa kabuuan. Dahil hindi daw ito sakop ng aming insurance policy.”
Samantala, sa iba’t ibang parte ng Chinese mainland tuluy-tuloy na rin ang pagbabakuna sa mga dayuhan.
Si Meribel Swank ay taga-Weihai, Shandong. Siya ang Head ng English Department ng Weihai Zhongshi Foreign School.
Ang dahilan kung bakit nag-desisyon si Meribel na magpabakuna ay mababasa sa website ng Chinese embassy sa Pilipinas ang anunsyo hinggil sa pasilitasyon para sa mga visa applicant na nainiksyunan ng mga bakunang Tsino.
“With the limited supply outside China, I believe that I am blessed to have the vaccine made available to foreigners,”saad pa ni Meribel.
Libre ang pagbabakuna sa mga dayuhang guro sa Lingang District ng Weihai.
Mahalaga ang pagpapabakuna upang makamit ang herd immunity at makatulong na mapuksa ang patuloy na pagkalat ng COVID-19, pigilan ang pagkahawa, pagkakasakit at maging ang pagkamatay dahil sa naturang mapanganib na virus.
Upang mawala ang pag-aalala hinggil sa pagpapaturok ng bakuna kontra COVID-19 nagbasa si Meribel ng mga artikulo mula sa credible sources. Nagtanong sa mga kaibigan na naunang nagpainiksyon kung sila’y nakaranas ng side effects. Kwento niya,“They did not have any, or displayed any, so I thought, hoped, and prayed that I wouldn't either.”
Parehong Sinovac ang bakunang itinurok kina Ramil at Meribel.
Ibinahagi ni Meribel na sinabihan sila ng kanilang school interpreter na,ang first shot ay mabisa sa loob ng 6 na buwan. Samantalang kapag nakuha ang full dosage na dalawang turok ay may bisa ang bakuha hanggang 12 buwan.
Pagkatapos maturukan ikinuwento ni Ramil ang nangyari,“Pagkatapos ng iniksyon kami ay kailangang magpahinga ng 30 minuto para obserbahan ang aming pakiramdam. Ngunit wala naman akong naramdaman o kahit anong masamang nangyari sa aking katawan at nagpatuloy lang sa mga dapat gawin (daily activities). Kinabukasan pakiramdam ko parang lumakas pa ang aking resistensya.”
May paalala rin si Meribel,“Nabasa ko po na kahit na tapos na ang bakuna ay hindi nangangahulugan na mayroon na tayong 100% proteksyon. Tuloy pa din po dapat ang tamang pag-aalaga sa sarili. I think this clause was very honest in the articles I read, and though it's not comforting, it's fitting to maintain our due diligence in safeguarding our health.”
Hinggil sa ilang teorya kung magiging mabisa ba ang mga bakunang Tsino laban sa bagong variants ng COVID-19, ayon sa datos hindi bumaba at hindi rin nagbago ang protection rate ng mga bakunang Tsino sa mga bagong lumalabas na variants ng COVID-19. Patuloy sa pananaliksik ang mga pharmaceutical companies hinggil dito. Ayon sa mga eksperto, ang booster shots ay magpapataas sa bisa ng bakuna laban sa mga bagong virus variants.
Ligtas ding iturok ang 4 sa mga bakunang Tsino sa mga matatanda o senior citizens ayon sa clinical studies. Ngunit batay sa guidelines, wala pang datos hingil sa protective efficacy ng mga bakuna.
Ayon sa National Health Commission ng Tsina, higit 142 million doses of COVID-19 vaccines ang itinurok na sa loob ng bansa hanggang unang linggo ng Abril. Samantala ibinahagi na rin ng Tsina ang higit 100 million doses COVID-19 vaccines sa maraming mga bansa sa iba’t ibang panig ng mundo na kinabibilangan ng Pilipinas. Ang population sample size at malawakang paggamit nito ay nagpapakita ng broad spectrum effect ng inactivated vaccine.
Sa mga kapwa OFW na nasa Tsina, sinabi ni Meribel, “Ang maipapayo ko po ay grab nyo po ang opportunity. Malaking blessing po sa atin na available, free or subsidized ang bakuna dito, at efficient po ang pag-administer. Wag po tayong matakot. God bless po sa lahat.”
Habang di pa tapos ang pandemiya, payo ni Ramil kailangan pa ring magsuot ng mask, maging malinis sa katawan at kapaligiran, panatilihin malakas ang resistensya, kumain sa tamang oras at mag-ehersisyo.
Ulat:Machelle Ramos
Script-edit: Jade/Mac
Web-edit: Jade/Vera
Photo/Video courtesy: Ramil/Meribel