Ayon sa datos na inilabas Martes, Abril 13, 2021 ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, noong unang kuwarter ng taong ito, umabot sa 8.47 trilyong yuan RMB (o mga 1.29 trilyong dolyares) ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina, at ito ay lumaki ng 29.2% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon.
Kabilang dito, 4.61 trilyong yuan ang pagluluwas, na tumaas ng 38.7%; at 3.86 trilyong yuan naman ang pag-aangkat, na lumago ng 19.3%.
Samantala, 759.29 bilyong yuan ang trade surplus, at ito ay lumawak ng 690.6%.
Ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay nananatili pa ring pinakamalaking trade partner ng Tsina, sa pamamagitan ng 1.24 trilyong yuan na pag-aangkat at pagluluwas.
Kasunod nito ay ang Unyong Europeo (EU), Amerika at Hapon, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Magkahiwalay na lumaki ng 21.4% at 22.9% ang pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina sa mga bansa sa kahabaan ng Belt and Road, at mga trade partner ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP). Nagpapakita itong kasabay ng pagpapanatili ng paglago ng kalakalang panlabas sa mga pangunahing trade partner, naging mas dibersipikado ang kalakalang panlabas ng Tsina.
Salin: Vera
Pulido: Mac