Ipinatawag nitong Huwebes, Abril 15, 2021 ni Wu Jianghao, Asistanteng Ministrong Panlabas ng Tsina, si Tarumi Hideo, Embahador ng Hapon sa Tsina, para iharap ang solemnang representasyon kaugnay ng kapasiyahan ng pamahalaang Hapones na itapon sa dagat ang radioactive wastewater ng Fukushima Daiichi nuclear power plant.
Tinukoy ni Wu na ang kaukulang kapasiyahan ng Hapon ay nagbubulag-bulagan sa pandaigdigang kapaligirang pandagat, pandaigdigang seguridad ng kalusugang pampubliko, at aktuwal na kapakanang panseguridad ng mga kapitbansa, at pinaghihinalaan itong lumabag sa pandaigdigang batas at mga alituntuning pandaigdig. Ito aniya ay hindi kilos ng isang modernong sibilisadong bansa.
Inihayag niya ang mariing kawalang-kasiyahan at buong tatag ng pagtutol dito ng panig Tsino.
Hinimok aniya ng panig Tsino ang panig Hapones na muling suriin ang isyu ng paghawak sa radioactive wastewater ng Fukushima, at bawiin ang nasabing maling kapasiyahan.
Samantala, sa ilalim ng balangkas ng organong pandaigdig, dapat buuin ng Hapon ang magkakasanib na technical working group na kinabibilangan ng mga dalubhasang Tsino, para igarantiya ang pagtasa, pagsusuri at pagsusuperbisa ng komunidad ng daigdig sa isyu ng paghawak ng nuclear wastewater.
Bukod dito, bago magkaisa ng palagay sa mga panig na may kaugnayang pangkapakanan at organong pandaigdig, huwag simulan nang walang pahintulot ang pagtapon ng nuclear wastewater sa dagat, dagdag ni Wu.
Salin: Vera
Pulido: Mac