Sa nakasulat na panayam kamakailan sa Xinhua News Agency ng Tsina, inihayag ni Gloria Macapacal-Arroyo, dating Pangulo ng Pilipinas at Miyembro ng Konseho ng Boao Forum for Asia (BFA) na ipagkakaloob ng BFA sa kasalukuyang taon ang "Asian perspective" hinggil sa pagpapabuti ng pamamahalang pandaigdig.
Aniya, walang dudang ang paggigiit sa multilateralismo ay lunas sa pagharap sa mga hamong pandaigdig na gaya ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at pagpapanumbalik ng kabuhayan.
Saad ni Arroyo, ang kasalukuyang taon ay ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng BFA, at kasabay ng matatag na pagtaas ng katayuan ng Tsina sa arenang pandaigdig, patuloy ding lumilinaw ang kahalagahan at impluwensiya ng BFA.
Ito aniya ay bagay na nagpapatingkad ng mahalagang papel para sa pagpapasulong sa pagpapalitan at pagtutulungan ng mga bansang Asyano.
Binigyan din niya ng papuri ang mga hakbang ng Tsina kaugnay ng bakuna kontra COVID-19 bilang pandaigdigang produktong pampubliko, at pagkakaloob ng bakuna sa ilampung bansang kinabibilangan ng Pilipinas.
Dagdag ng dating punong ehekutibo, sa pamamagitan ng sinerhiya ng Build, Build, Build ng Pilipinas at Belt and Road Initiative, nadarama ang benepisyo sa tuluy-tuloy na pagpapalalim ng kooperasyong Pilipino-Sino.
Aniya, ipinagkaloob ng Tsina ang maraming tulong sa pagpapaunlad ng imprastruktura sa Pilipinas.
Ang “tulay ng pagkakaibigan” sa Manila na itinatag sa ilalim ng tulong ng panig Tsino ay isang napakalaking simbolo ng pagkakaibigan ng dalawang bansa, dagdag niya.
Salin: Vera
Pulido: Rhio