Dumating alas-5 ngayong hapon, Abril 22 sa Pilipinas ang panibagong batch ng 500,000 dosis ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na gawa ng Sinovac.
Ito ang ikalimang batch ng CoronaVac, brand name ng Sinovac, na ipinadala sa Pilipinas. Ito rin ang ikatlong beses na nakatanggap ang bansa ng CoronaVac na binili ng Pamahalaang Pilipino.
Simula nitong nagdaang Pebrero, tuluy-tuloy na ipinadala sa Pilipinas ang mga bakuna ng Sinovac.
Matatandaang 1.5 milyong dosis ng bakuna ng Sinovac ang dumating ng Maynila noong Marso 29 at Abril 11, ayon sa pagkakasunod.
Nauna rito, isang milyong bakuna ng Sinovac ang ipinagkaloob ng Tsina sa Pilipinas, na magkahiwalay na dumating noong Pebrero 28 at Marso 24.
Bunga ng donasyon ng Tsina, napasimulan ng Pilipinas ang pambansang pagbabakuna. Nangunguna rin ang Pilipinas sa mga bansang ASEAN sa inokulasyon, at nahahanay sa ikatlong puwesto.
Bukod sa isang milyong donasyon, sa kabuuan, 25 milyong dosis ng bakuna ng Sinovac ang binili ng pamahalaang Pilipino. Ang 500,000 dosis, ika-6 na batch ay naka-iskedyul na dumating ng Maynila, Abril 29, 2021.
Sa panayam ngayong araw ng PTV, ipinahayag ni Carlito Galvez Jr., chief implementer ng National Task Force Against COVID-19 ang kahalahagan at pasasalamat sa walang patid na suplay ng bakuna ng Sinovac, sa kabila ng kakulangan sa mundo ng mga bakuna.
Aniya pa, ang karamihan ng bagong-dating ng bakuna ay ipapamahagi sa National Capital Region Plus at iba pang lugar na may mataas na bilang ng kaso ng COVID-19, na gaya ng Region 4A, Region 3, CAR, Region 2, Region 11, Region 7, at Region 6.
Inulit din niya ang pangangailangan ng mahigpit na pagsunod sa listahan ng priyoridad ng pambansang programa ng inokulasyon.
Ulat: Jade
Pulido: Mac
Photo courtesy: PTV