Sinaksihan ng mga opisyal ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing ang pagkarga ng 2nd batch ng Sinovac vaccines ngayong Lunes, Marso 22, 2021 sa storage facility sa Daxing, Beijing. 400,000 dosis ng bakunang donasyon ng Tsina ang darating sa Pilipinas sa Marso 24, 2021.
Sinabi ni Ambassador Jose Santiago Sta. Romana ng Pilipinas sa Tsina sa panayam ng China Media Group Filipino Service, na mahalagang sandata ang bakuna laban sa COVID-19 pandemic.
Kaugnay ng pagkakaroon ng pagdududa sa bisa at pagiging ligtas ng bakunang mula sa Tsina, sinabi ni Ambassador Sta. Romana na maraming bansa bukod sa Tsina ang nagpakita ng mahusay na karanasan at resulta sa paggamit ng Sinovac gaya ng Indonesia, Chile, Brazil at Turkey. Kasabay nito, ang (vaccine) data aniya ay pumasa sa Food and Drug Administration (ng Pilipinas), at maraming doktor na ring nabakunahan na at ang kanilang karanasan ang nagpapatunay na mahusay at mapagkakatiwalaan ang Sinovac.
Si Amba. Chito Sta. Romana
Paalala rin ni Ambassador Sta. Romana, “Ang pinakamahusay na bakuna, ay yung nasa harap mo. Yung available na. Pwede kang mag-hintay ng bakuna galing sa Europa (o) sa Amerika, pero kasi may problema ngayon, yung ilang mga bansa gusto nila bakunahan muna ang kanilang mamamayan. Hindi sila magtitinda sa iba. O magtitinda sila sa second half of the year, sa katapusan ng taon. Kung gustong maghintay, hindi naman natin pipilitin kung ayaw nila ang Sinovac. Pero ito nga ginagamit sa iba’t ibang bansa bukod pa sa Tsina. At makakakuha ang Pilipinas, donasyon (at) binili natin.”
Ayon sa plano, ang 2nd batch ng Sinovac vaccines ay dadalhin sa Beijing Capital Airport at susunduin ng eroplano ng Philippine Airlines. Inaasahang darating ito 7:00 ng umaga ng Marso 24.
Ibinahagi rin ni Ginoong Sta. Romana na sa Marso 29, darating ang 1 milyong dosis ng Sinovac na binili ng pamahalaang Pilipino. Sa Abril, kung masusunod ang plano may darating pang 1 hanggang 2 milyong dosis. Ang kabuuang target ng Pilipinas sa loob ng taong 2021 ay makakuha ng 25 milyong dosis ng bakuna mula sa Tsina.
Samantala, sa hiwalay na panayam, sinabi ni Helen Yang, General Manager ng Sinovac Biotech (Hong Kong) Limited sa kabila ng mahigpit na global demand ng mga bakuna, pinipilit ng Sinovac na tugunan ang pangangailangan ng Pilipinas para hindi maantala ang vaccine rollout ng bansa.
Si Helen Yang
Ani pa ni Yang, sa darating na Mayo o Hunyo, itinaas ang production capacity ng Sinovac, at inaasahang aabot ito sa 2 bilyong dosis kada taon.
Sa kasalukuyan ani Yang, sa buong mundo 70 milyong dosis na ng Sinovac ang ginamit. At ayon sa mga nakolektang datos, walang ipinakitang matinding side effects at ligtas ang bakuna. Walang tigil aniya ang kanilang pharmaceutical company sa pag-aaral ng COVID-19 upang lubos na matiyak ang mataas na kalidad at bisa ng naturang bakuna.
Matatandaang ang unang batch ng kaloob na 600,000 dosis ng Sinovac vaccine ang ipinadala sa Pilipinas noong Pebrero 28, 2021. Marso 1, inilunsad ng Pilipinas ang pambansang pagbabakuna, na sinimulan sa Metro Manila.
Ulat: Machelle Ramos
Panayam: Machelle Ramos/Frank Liu Kai
Script-Edit: Jade/Mac
Web-edit: Jade/Frank
Cameraman/Video-edit: Frank Liu Kai/Mac
Voice-over: Mac
Larawan: Frank/Mac
Espesyal na pasasalamat kay Li Xiaoping