Ang Abril 26 ay World Intellectual Property Day.
Ngayong taon, ang tema ng World IP Day ay "IP & SMEs: Taking Your Ideas to Market."
Binibigyan-halaga ang kritikal na papel ng small and medium-sized enterprises (SMEs) sa ekonomiya at kung paano maaaring gamitin ang intellectual property rights (IPR) upang itatag ang mas malakas, mas kompetitibo at mas matatag na negosyo.
Pilipinas: National IP Month at webinar para sa MSMEs
Sa Pilipinas, ang buong buwan ng Abril ay National IP Month. Sa taong 2021 ang tema ay“IP and MSMEs on the Road to Recovery. ”
Idinaos Abril 27 ang online training workshop na pinamagatang“Managing Your Mark: The Madrid Monitor, Portfolio Manager and Trademark Enforcement Strategies.”
Itinaguyod ito ng WIPO at IPOPHL at dinaluhan ng mga isang daang Zoom participants na kinabibilangan ng mga SMEs na Pilipino sa Tsina at iba pang mga bansa.
Sa kaniyang welcome remarks sinabi ni Atty. Rowel Barba, Director General ng Intellectual Property Office Philippines (IPOPHL),“MSMEs ang bida”sa mga aktibidad ngayong taon.
Binibigyang halaga ani Atty. Barba ng kaniyang opisina ang pagkamalikhain at pagiging inobatibo ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs). Kinikilala rin ang malaking ambag ng mga MSMEs sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. At nararapat na protektahan ang “mark” nila kasabay ng kanilang pag-unlad sa labas ng Pilipinas sa tulong ng Madrid (international trademark filling) process. Kung may sapat na kaalaman aniya, mas maipaglalaban ang karapatan kontra sa mga infringers o nagnanakaw ng yamang-isip.
Sa Pilipinas, noong 2019, umabot sa PhP 22.1 bilyon ang nasabat na mga peke at piniratang mga produkto ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Napakalaking kawalan para sa mga lehitimong may-ari ng mga IP ng naturang produkto. Dahil dito pinaiigting ng Pilipinas, maging ng iba’t ibang mga bansa ang pagpapatupad ng batas upang maparusahan ang mga lumalabag sa Intellectual Property Rights (IPR).
Tsina: Pangangalaga sa IP ay pangangalaga sa inobasyon
Sa Tsina naman, ipinagdiwang ang taunang National IP Publicity Week nitong Abril 20 hanggang 26, 2021.
Sa Executive Meeting ng Konseho ng Estado, gabinete ng Tsina nitong Abril 27, 2021, nagdesisyon ang Tsina na isagawa ang bagong reporma sa patakarang pampamahalaan kaugnay ng yamang-isip upang mas maging madali ang entrepreneurial activity at inobasyon at mas maging masigla ang pag-unlad ng mga kalahok na Tsino at dayuhan sa merkado.
"Ang pangangalaga sa intellectual property ay pangangalaga sa inobasyon," muling diin ni Premyer Li Keqiang sa naturang pulong.
"Ito ay mahalagang bahagi ng hakbang ng Tsina sa paglikha ng world-class, market-oriented business climate na pinamamahalaan ng maayos na batas. Makakatulong din itong gawin ang Tsina bilang malakas na pamilihang makakahimok ng mga dayuhang pamumuhunan, may patas na kompetisyon at win-win cooperation," paliwanag niya.
Ang pagpapahalaga ng Tsina sa pagprotekta sa IP ay pinatutunayan ng mga sumusunod: pagpapatupad ng mga batas, pagkakaroon ng imprastruktura, pagtatayo ng IP Protection Centers sa buong bansa, pagtatatag ng mga korte para sa kasong may kinalaman sa IP at pagiging numero uno sa patent filing sa buong mundo, at pagpapabuti ng kapaligiran at serbisyo para sa mga bahay-kalakal na dayuhan.
Ang mga hakbang na ito ay nagbibigay kumpiyansa at tiwala sa mga negosyante at mamumuhunan sa loob at labas ng Tsina.
Napagkasunduan noong taong 2000 ng mga kasaping bansa ng World Intellectual Property Organization (WIPO) na itakda ang Abril 26 kada taon bilang World Intellectual Property Day kasabay ng anibersaryo ng araw ng pagtatatag ng WIPO noong 1970. Hangad ng World IP Day na itaas ang kamalayan hinggil sa yamang-isip o intellectual property sa buong mundo.
Ang bawat negosyo ay nagsisimula sa isang ideya. Bawat SME at MSME sa iba’t ibang parte ng daigdig ay umusbong dahil sa malikhaing isip ng sangkatauhan.
90% ng mga negosyo sa mundo ay binubuo ng mga SMEs. Nagbibigay ng trabaho sa 50% ng mga manggagawa at lumilikha ng 40% ng pambansang kita ng maraming mga umuusbong na ekonomiya.
Kaya, napakahalagang ingatan at protektahan ang yamang-isip dahil susi ito sa kaunlaran ng daigdig.
Ulat:Machelle Ramos
Content-edit:Jade/Mac
Web-edit:Jade
Larawan: CFP/IC/IPOPHL