Tuwing ika-22 ng Abril, kada taon, ginaganap ang Earth Day.
Ang tema ng Earth Day 2021 ay Restore Our Earth.
Napapanahong tema dahil siryoso ang banta ng pagbabago ng klima. Kailangang-kailangan nang itigil ang pagsira sa kalikasan at ibalik ang maayos na kalagayan ng ating Mundo.
Puspusang nagtatrabaho ang mga pamahalaan para pigilan ang paglala ng pagbabago ng klima. Maging ang pribadong sektor ay may mga hakbang din para pangalagaan ang kalikasan. Ang bawat mamamayan ay malaki rin ang mai-aambag. Tumulong. Sumuporta. Dahil iisa lang at di mapapalitan ang ating Mundo.
Ngayong taon ang ikalawang“digital”Earth Day. Marami sa mga aktibidad ang ginaganap sa paraang virtual bunsod ng pandemya ng COVID-19.
Pagsisikap na pampamahalaan bilang tugon sa pagbabago ng klima
Marahil pinakaimportante rito ang virtual climate change summit na pinangungunahan ng Administrasyong Biden ng Amerika.
Apatnapung (40) lider ng mga bansa ang dumadalo sa dalawang araw na virtual summit na binuksan Abril 22. Kasama sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Punong Ministro Narendra Modi ng India at ang Pangulo ng Russia na si Vladimir Putin.
Sa kanyang talumpati, nanawagan si Xi na magkakasamang itatag ng iba’t ibang bansa ang komunidad ng buhay ng mga tao at kalikasan. Para rito, dapat aniyang manangan sa maharmonyang pakikipamuhayan ng sangkatauhan at kalikasan, berdeng pag-unlad, sistematikong pangangasiwa, pagpapauna ng mga tao, multilateralismo, at komon pero may pagkakaibang responsibilidad (CBDR).
Ipinahayag din ni Xi ang mainit na pagtanggap sa muling pagsapi ng Amerika sa Paris Agreement.
Noon pa mang 2020, ipinangako na ng Tsina na magiging carbon-neutral sa taong 2060 at planong abutin ang pinakamataas na lebel ng emisyon ng caron dioxide sa 2030. Pangako rin ng Tsina na pababain nang 65% ang pagbubuka ng carbon dioxide per unit ng GDP sa 2030 mula sa lebel ng 2005.
Samantala, ayon sa isang naunang pahayag ng White House, inaasahan ng Amerika na ilalalabas ang masigasig na 2030 emissions target bilang bagong Nationally Determined Contributions sa ilalim ng Paris Agreement makaraang bumalik ito sa naturang kasunduan.
Matatandaang nitong nagdaang linggo, nagtagpo sa Shanghai, Tsina, si Xie Zhenhua, Espesyal na Sugong Tsino sa Pagbabago ng Klima at ang kanyang counterpart na Amerikano na si John Kerry. Sang-ayon ang dalawang bansa na magsagawa ng konkretong aksyon para matupad ang Paris Agreement.
Noong Abril 16, 2021, sa kanilang video summit, nagkasundo rin sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya at Chancellor Angela Merkel ng Alemanya na buong-sikap na pairalin ang Paris Agreement at magkakasmang itatag ang pantay, makatwiran, kooperatibo at win-win na pandaigdig na sistemang katugon sa pagbabago ng klima.
PINASiglang Mundo
Sa Pilipinas, ginaganap ngayong araw ang ika-52 taong pagdiriwang ng Earth Day.
Mapapanood online ang PINASiglang Mundo: Earth Day 2021 webcast.
Sa buong araw na webcast pokus ang panukalang pagtigil sa paggamit ng single use plastic. Live online ang Jam for Earth session ng singer na si Aicelle Santos, My Earth Day Pledge, testimonials ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor at ang episode ng Stories for a Better Normal, talakayang pinangungunahan ni Deputy Speaker Loren Legarda.
Panawagan ni Climate Change Commission Chairperson-Designate Carlos G. Dominguez sa lahat ng mga Pilipino sa okasyon ng Earth Day, laging isa-isip ang kapangyarihan ng pang-araw-araw na desisyon para bawasan ang carbon footprint at gawing bahagi ng pamumuhay ang sustenableng mga kagawian.
Kolaborasyon ng mga kompanyang Pilipino at Tsino
Maraming mga kumpanya ang aktibo ring lumalahok sa mga proyektong pangkalikasan.
Kabilang dito ang SM China. Nitong 2021, muli naging WWF China Strategic Partner ang SM. Isa sa mga aktibidad ng partneship na ito ay ang photo exhibition tungkol sa kapaligiran. Layon nitong himukin ang mga mall goers na sumali sa mga hakbang para pangalagaan ang biological diversity.
SM Lifestyle center- participants speak up for the Earth
SM City Tianjing- participants join in SM Welfare Forest
Bukod dito, nakikipagtulungan din ang kumpanyang Pilipino sa Alipay Ant Forest para sa kauna-unahang public welfare forest sa loob ng shopping center sa Tsina. Hangad ng SM na mas maraming tao ang lumahok sa pag-aalaga at pagdidilig ng mga welfare forest.
SM City Chongqing Yubei- Lights-out Ceremony
Sa kasalukuyan, itinuturing ang Earth Day bilang pinakamalaking secular observance sa buong mundo.
Bawat taon, higit 1 bilyong mga tao sa iba't ibang panig ng daigdig ang nakikiisa sa Earth Day, nagbubuklod-buklod upang bigyang pansin ang pagkalinga sa inang kalikasan, manawagan para baguhin ang gawi ng sangkatauhan at maging bahagi ng pagbabago para sa kinabukasan sa pamamagitan ng nagkakaisang pandaigdigang pagkilos. Malayo na ang narating ng Earth Day mula nang simulan ito noong 1970 ni Senator Gaylord Nelson sa Amerika.
Ulat: Machelle Ramos
Content-edit/Update: Jade/Mac
Web-edit: Jade
Photo Credit: Climate Change Commission & SM China
Espesyal na pasasalamat kay Vera at SM China