Sinabi kamakailan ng Kagawaran ng Estado ng Amerika, na nakakuha ito ng panloob na dokumentong ginawa noong 2015 ng mga siyentista ng Air Force Medical University of the People's Liberation Army ng Tsina at iba pang nakatataas na opisyal Tsino sa kalusugang pampubliko, kung saan binabanggit na gagawing sandata ang SARScoronavirus.
Bilang tugon, sinabi kahapon, Mayo 10, 2021, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sinasadyang gawin ng panig Amerikano ang masamang interpretasyon sa naturang dokumento, sa pamamagitan ng pagkuha ng mga salita sa labas ng konteksto.
Samantala aniya, ang dokumentong ito ay akademikong papel na bukas sa lahat, at hindi panloob o lihim.
Ayon kay Hua, sinipi ng naturang dokumento ang pananaliksik ni dating US Colonel Michael Ainscough, na nagsasabing ang mga sandatang biolohikal sa susunod na henerasyon ay bahagi ng mga proyekto ng tropang panghimpapawid ng Amerika bilang pangontra sa mga bantang dulot ng mga sandatang may kakayahang pumuksa ng maramihan.
Ani Hua, ipinakikita ng ideyang ito ni Ainscough, na sinasaliksik ng Amerika ang teknolohiya ng genetic engineering para sa paggamit sa digmaang biolohikal.
Binigyang-diin pa ni Hua, na sa mula't mula pa'y buong higpit na ipinatutupad ng Tsina ang mga obligasyon sa Biological Weapons Convention, at hindi nagdedebelop, nagsasaliksik o gumagawa ng mga sandatang biolohikal.
Binuo rin ng Tsina ang kumpletong mga batas at regulasyon, pamantayang teknikal, at sistema ng pangangasiwa para maging ligtas ang mga laboratoryong biolohikal, dagdag ni Hua.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan