International Nurse Day, ipinagdiriwang: mga nars, bayani ng digmaan kontra COVID-19

2021-05-12 15:20:50  CMG
Share with:

International Nurse Day, ipinagdiriwang: mga nars, bayani ng digmaan kontra COVID-19_fororder_VCG211239386082-edit

 

Sa ilalim ng temang“A Voice to Lead - A vision for future healthcare,” ipinagdiriwang ngayong araw, Mayo 12, 2021 ang Ika-110 International Nurses Day (IND) bilang pasasalamat at pagbibigay-pugay sa sakripisyo at kabayanihan ng mga nars sa buong mundo.

 

Magmula nang pumutok ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), di-mabilang na nars mula sa ibat-ibang na sulok ng daigdig ang nagsakripisyo at patuloy pang nagsasakripisyo upang pagalingin at iligtas ang buhay ng mga nahawan.

 

Tulad ng magigiting na mandirigma ng sinaunang panahon, kahit sobrang hirap at pagod, hindi sumusuko ang ating mga nars at hindi rin sila tumalikod sa sinumpaang tungkulin na ipagsanggalang ang buhay ng mga may sakit.

 

Sa kasamaang-palad, dahil sa pagtupad ng tungkulin, marami sa kanilang ang nahawa at namatay.

 

Ayon sa International Council of Nurses (ICN), hanggang Disyembre 31, 2020, mahigit 1.6 milyong manggagawang medikal mula sa 34 na bansa ang nahawahan ng COVID-19.

 

Samantala, hanggang Enero 31, 2021, 2,710 naman ang kabuuang bilang ng mga nars na namatay mula sa 59 na bansa.

 

Kaugnay nito, sa kanyang panayam sa CNN Philippines, sinabi ni Melbert Reyes, Pambansang Presidente ng Philippine Nurses Association (PNA), sa humigit-kumulang 17,000 manggagawang medikal na nahawan ng COVID-19, nasa 7,000 ay nars, at sa mga ito, 25 ang pinawian ng buhay.

 

Sa Tsina, nasa 42,000 manggagawang medikal ang tumulak sa lunsod Wuhan, lalawigang Hubei sa kasagsagan ng pandemiya noong 2020 upang magsilbi sa laban kontra pandemiya, at 70% o mga 28,600 ng mga ito ay nars.

 

Araw at gabi, walang sawang nakibaka, nagpunyagi, at nagbayanihan ang mga nars upang pagalingin ang mga may sakit, at iligtas ang buhay ng mga pasyente.

 

Kagaya ng mga Pilipinong nars, napakarami rin sa kanila ang sinawing-palad sa labanan.

 

Sa kanyang panayam sa China Media Group-China Global Television Network (CMG – CGTN), sinabi ni Binibining Jia Na, 25 anyos na nars ng Renmin Hospital ng Wuhan University, takot na takot siya nang malaman niyang nahawahan siya ng COVID-19.

 

Si Jia ay isa sa libu-libong Tsinong nars na unang sumali sa laban kontra COVID-19 sa Wuhan.

 

Sa kabutihang-palad, mild lamang ang simtomas ni Jia, at matapos ang 2 linggong kuwarentina sa bahay, gumaling siya, at agad bumalik sa tungkulin sa ospital.

 

Sa panahon ng isolasyon, ibinahagi ni Jia sa maraming tao ang kanyang mga naramdaman at naisip sa pamamagitan ng social media, at dahil diyan, nagkaroon siya ng mahigit 1 milyong tagasunod.

 

Ang karanasan ni Jia bilang pasyente at frontliner ay nagbigay sa kanya ng mahalagang pagbabago ng pananaw tungo sa mas mainam na pagkalinga sa iba pang mga nahawahan.

 

International Nurse Day, ipinagdiriwang: mga nars, bayani ng digmaan kontra COVID-19_fororder_c50650fd9b0048f08f28076c01f254e1

Si Jia Na habang isinasaayos ang maskara ng isang pasyente sa Renmin Hospital of Wuhan University, Enero 19, 2021./CGTN

 

"Marahan, mabait, maalalahanin, at responsable,”ganito ang deskripsyon sa kanya ng mga may sakit.

 

Sinabi ng isang pasyente,“Ang iniksyon ay kadalasang masakit. Pero, laging sinasabi ni Jia, na dahan-dahan lang niya itong gagawin para hindi masyadong masakit.”

 

Aniya pa,“Mas magaan ang aming pakiramdam dahil sa kanya.”

 

International Nurse Day, ipinagdiriwang: mga nars, bayani ng digmaan kontra COVID-19_fororder_4a6ec69c76be4ad1850347373d5d7bd1

Si Jia Na kasama ang kanyang nobyo habang iginagala ang kanilang dalawang aso sa Wuhan, Hubei, Enero19, 2021. /CGTN

 

Ang kuwento ni Jia Na ay isa lamang sa di-mabilang na kuwento ng kabayanihan ng mga Pilipino at Tsinong nars na nakibaka at patuloy pang nakikibaka upang sugpuin ang sakit na dulot ng COVID-19.

 

Sa ating pagdiriwang ngayong araw ng IND, atin sana silang alalahanin, ipagbunyi, at higit sa lahat, magbigay ng pagpapahalaga sa kanilang sakripisyo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga panuntunan ng pamahalaan at World Health Organization (WHO) hinggil sa tamang pangangalaga ng kalusugan.

 

Sa pamamagitan nito, hindi masasayang ang buhay na alay ng ating magigiting na bayani.

 

Artikulo: Rhio Zablan

Content-edit: Jade/Rhio

Web-edit: Jade/Sarah

Larawan: CFP/CGTN

Please select the login method