Ang pinabagong batch ng 1.5 milyong bakuna ng Sinovac kontra COVID-19 na binili ng pamahalaang Pilipino mula sa Tsina ay dumating na sa Pilipinas ngayong araw, Mayo 7, 2021.
Alas 7:58 ngayong umaga, lulan ng chartered flight 5J671 ng Cebu Pacific, ang ikapito at pinakamalaking kargamento ng CoronaVac, brand name ng bakuna gawa ng Sinovac ay dumating ng NAIA Terminal 2.
Sina Kalihim Carlito Galvez Jr., chief implementer ng National Task Force Against COVID-19 at Kalihim Francisco Duque III ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang sumalubong sa naturang bakuna.
Ani Duque, salamat sa karagdagang 1.5 milyong bakuna, 750,000 indibiduwal ang matuturukan at mapoprotektahan laban sa COVID-19.
Sinabi naman ni Galvez na 500,000 doses ng Sinovac ang inaasahang darating sa susunod na ilang araw at sa susunod na buwan, 4.5 milyong Sinovac ang matatanggap ng Pilipinas.
Hanggang sa kasalukuyan, sa kabuuan, 5 milyong CoronaVac ang nakarating na sa bansa. Kabilang dito ang isang milyong donasyon mula sa Tsina.
Ayon sa kasunduan na nilagdaan ng Pilipinas at Sinovac, 25 milyong bakuna sa kabuuan ang binibili ng pamahalaang Pilipino mula sa naturang kompanyang Tsino.
Dagdag pa ni Galvez, bukod sa CoronaVac, 2 milyong doses ng AstraSeneca sa ilalim ng COVAC facility ang nakatakdang dumating bukas, Mayo 8, sa Pilipinas. At sa Mayo 11 naman, ang unang batch ng 193,000 bakuna ng Pfizer ang inaaasahang makukuha ng bansa.
Sa loob ng buwang ito, 7 milyong doses ng iba’t ibang tatak ng bakuna ang inaasahang darating sa bansa at sa Hunyo naman ang karagdagang 10 milyon, saad pa ni Galvez.
Kung handa na ang suplay, ang mga taong pasok sa A4 category na kinabibilangan ng mga front-liners sa essential sectors, pati ang uniformed personnel ang isasama sa priyoridad ng pagbabakuna.
Artikulo: Jade
Pulido: Mac
Photo credit: Kenneth Paciente/PTV; Joey O. Razon/PNA