Manggagawang medikal, binabantayog: World Health Day, World Health Worker Week, at International Year of Health and Care Workers, ipinagdiriwang

2021-04-07 14:12:07  CMG
Share with:

Manggagawang medikal, binabantayog: World Health Day, World Health Worker Week, at International Year of Health and Care Workers, ipinagdiriwang_fororder_VCG211276387891

 

Binansagang manggagawang medikal o medical frontliner, ang mga doktor, nars, pharmacist, kumadrona at iba pang trabahante sa larangan ng kalusugan ang nag-aaruga sa mga may-sakit at sumisigurong nabibigyan ng tamang atensyong medikal ang mga nangangailangan.

 

Manggagawang medikal, binabantayog: World Health Day, World Health Worker Week, at International Year of Health and Care Workers, ipinagdiriwang_fororder_VCG211312729164

Sa patuloy pa ring pagkalat ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo, sila ang mga walang-pagod at magigiting na mandirigmang patuloy na sumasagupa sa mapamuksang puwersa ng coronavirus.

 

Sila ang sandigan ng daigdig sa pagkakaroon ng ligtas at masayang pamumuhay.

 

Habang ang karamihan sa atin ay nasa loob ng tahanan, ang mga manggagawang medikal ay araw-araw na sumasabak sa laban kontra COVID-19.

 

Dahil dito, marami sa kanila ang natatakot tuwing umuuwi ng bahay dahil baka mahawahan sila ng mga pasyente, at madala ang karamdaman sa kanilang mga pamilya.

 

Pero, sa kabila nito, hindi nila tinatalikuran ang responsibilidad sa sangkatauhan.

 

Nakakalungkot isiping sa pagnanais nilang gampanan ang sinumpaang tungkulin, marami sa kanila ang nahawahan ng COVID-19, at maraming iba pa ang sinawing-palad, sa Pilipinas, sa Tsina, sa Italya, sa Espanya, Britanya, Pransya, Gresya, Hapon, Amerika, at iba pa. 

 

Kaugnay nito, ipinagdiriwang ang World Health Day, World Health Worker Week at International Year of Health and Care Workers,  para isulong ang pagkakaloob ng pantay na akses sa dekalidad na serbisyong medikal sa lahat ng mamamayan ng daigdig, bigyang-pansin ang mga kahilingan at pangangailangan ng mga manggagawang medikal, at pasalamatan ang kanilang dedikasyon at sakripisyo, lalo na ngayong panahon ng pandemiya.

 

Hindi sapat ang ating mga palakpak upang suklian ang sakripisyo ng mga manggagawang medikal: ang tanging magagawa natin ay ipagdasal ang kanilang kaligtasan, at higit sa lahat, gawin natin ang ating mga tungkulin bilang mga mamamayan sa laban kontra COVID-19.

 

Huwag nating sayangin ang sakripisyo ng mga medical frontliner, huwag nating balewalain ang alay nilang buhay para sa atin, at magtulungan tayo tungo sa sama-samang tagumpay.

 

Sa lahat ng health worker sa buong mundo, saludo po kami sa inyo!

 

World Health Day at World Health Worker Week

 

Manggagawang medikal, binabantayog: World Health Day, World Health Worker Week, at International Year of Health and Care Workers, ipinagdiriwang_fororder_VCG211275572624

 

Para sa kapakanang pangkalusugan ng lahat ng tao sa buong daigdig, inilagay ng World Health Organization (WHO) sa petsang Abril 7 ang World Health Day.

 

Sa ilalim ng temang “Building a Fairer and Healthier World,” layon ng World Health Day 2021 na  bigyang-pansin ang di-pagkakapantay-pantay sa usapin ng kalusugan, lalo na sa gitna ng COVID-19 at siguruhing mayroong pantay na akses sa mabuting serbisyong medikal ang lahat ng mamamamyan, saan man at kailan man nila ito kailangan.”

 

Hinggil dito, nanawagan ang WHO sa mga pinuno ng mundo na siguruhing nakakabuti sa kalusugan ng mga manggagawa ang kanilang mga kapaligirang pantrabaho.

 

Hinimok din ng WHO ang mga pinuno ng mundo na bigyang-pansin ang usapin ng kalusugan at pagkalooban ng pantay na akses sa dekalidad na serbisyong medikal ang lahat ng mamamamyan.

 

Higit pa, anang WHO, malaking kapinsalaan ang dulot ng COVID-19 sa buong mundo, pero lalong mas mabigat ang epekto nito sa mahihirap na komunidad, dahil mas maliit ang kanilang tsansang mabigyan ng mabuting serbisyong medikal.

 

Kaya naman, napakahalagang magkaisa ang lahat upang magkaroon ng pantay na akses ang lahat ng mamamayan ng buong daigdig sa mabuting serbisyong medikal.

 

Samantala, sa ilalim ng temang“pakinggan ang kahilingan ng mga manggagawang medikal at aksyonan ang mga ito,”natapat mula ika-5 hanggang ika-9 ng Abril ngayong taon ang World Health Worker Week (WHWW).  

 

Ito ang ika-9 na WHWW, na nasa magkasamang pagtataguyod ng WHO at Frontline Health Workers Coalition (FHWC), at iba pang samahan ng mga manggagawang medikal.

 

International Year of Health and Care Workers

 

Manggagawang medikal, binabantayog: World Health Day, World Health Worker Week, at International Year of Health and Care Workers, ipinagdiriwang_fororder_VCG211275127432

 

Itinalaga rin ng World Health Organization (WHO) ang taong 2021 bilang International Year of Health and Care Workers (YHCW).

 

Ito ay para ipakita ang taos-pusong pasasalamat sa di-natitinag na dedikasyon ng lahat ng manggagawang medikal sa laban kontra pandemiya ng  COVID-19.

 

Sa ilalim ng temang “Protect. Invest. Together.”, isinusulong ng WHO ang isang taong kampanyang magbibigay ng tamang proteksyon at nararapat na kapaligirang pantrabaho para sa mga manggagawang medikal.

 

Kabilang sa mga layunin ng nasabing kampanya ay:

 

--Pagsiguradong ang mga manggagawang medikal ang unang makakatanggap ng bakuna laban sa COVID-19 sa unang 100 araw ng 2021.

 

--Pagkilala at paggunita sa lahat ng manggagawang medikal na nag-alay ng buhay habang tinutupad ang sinumpaang tungkulin sa panahon ng pandemiya.

 

--Kunin ang pagsang-ayon ng lahat ng miyembrong estado ng WHO, internasyonal na institusyong pinansiyal, at bilateral at pilantropikong katuwang, upang pangalagaan at maglagak ng pondo sa usapin ng mga manggagawang medikal tungo sa mabilis na pag-abot sa Sustainable Development Goals (SDG’s) ng United Nations (UN) at pag-ahon mula sa COVID-19.

 

--Akitin ang lahat ng miyembrong estado ng WHO at lahat ng may-kinalamang panig upang sumali sa pagdaraos ng diyalogong magsasanggalang sa karapatan ng mga manggagawang medikal, at magbibigay ng disente at nararapat na kapaligirang pantrabaho sa kanila.

 

--Pag-isahin ang mga komunidad, mga tagapag-impluwensiya, at himukin ang suportang pampulitika at panlipunan upang isulong ang adobokasiya ng pagbibigay-kalinga sa mga manggagawang medikal.

 

Artikulo: Rhio M. Zablan
Script-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Larawan: CFP/Jade

Please select the login method