Nag-usap nitong Miyerkules, Mayo 26, 2021 sa telepono sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Pedro Sanchez ng Espanya.
Tinukoy ni Xi na bilang mahalagang estratehiko’t kooperatibong partner ng isa’t isa, dapat maunawaan at suportahan ng Tsina at Espanya ang isa’t isa.
Nakahanda aniya ang panig Tsino na palawakin ang bilateral na ugnayang pangkalakalan sa Espanya, aktibong pasulungin ang mga proyektong pangkooperasyon sa daungan, logistics, smart cities o matalinong lunsod, malinis na enerhiya at iba pa, palakasin ang kooperasyon sa ika-3 panig na gaya ng Latin-Amerika at Aprika, at palalimin ang people-to-people exchanges ng dalawang bansa.
Umaasa rin si Pangulong Xi na patuloy na patitingkarin ng pamahalaang Espanyo ang konstruktibong papel para sa pagpapasulong ng matatag at pangmalayuang relasyon ng Tsina at Europa.
Diin ni Xi, ang kasalukuyang taon ay Ika-100 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Dapat palakasin ng kapuwa panig ang ugnayan ng mga partido, palalimin ang pagpapalitan ng mga karanasan sa pangangasiwa, at patingkarin ang sariling katalinuhan sa pagtahak sa landas ng pag-unlad na umaangkop sa kalagayan ng sariling bansa, at pagkokompleto ng pangangasiwang pandaigdig.
Inihayag naman ni Sanchez ang kahandaang panatilihin ang pakikipag-ugnayan sa panig Tsino sa mataas na antas, palakasin ang kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan, at palalimin ang pagpapalitang kultural at people-to-people exchanges.
Winewelkam din niya ang pamumuhunan ng mga kompanyang Tsino sa Espanya.
Aniya, nakahanda ang Espanya na patuloy na patingkarin ang positibong papel para sa pagpapasulong sa estratehikong partnership ng Europa at Tsina.
Salin: Vera
Pulido: Mac