Nitong Mayo 22, 2021, pumanaw sa edad 91 anyos, si Yuan Longping, “Ama ng Hybrid Rice,” academician ng Chinese Academy of Engineering, at ginawaran ng “Medal of the Republic.”
Kaugnay nito, magkakasunod na ipinaabot ng komunidad ng daigdig ang pakikidalamhati sa pagyao ni Yuan at ang lubos na pasasalamat sa kanyang ibinibigay na namumukod na ambag para sa paglutas sa problema ng kakulangan ng pagkaing-butil.
Si Yuan Longping ay siyentistang Tsinong kilalang-kilala sa pagdedebelop ng unang hybrid rice strain. Ang hangarin sa kaniyang buong buhay ay “idebelop ang hybrid rice para ihatid ang benepisyo sa mga mamamayan ng buong mundo.”
Upang maisakatuparan ang hangaring ito, sa mahabang panahon, nagsikap si Yuan para mapasulong ang inobasyon ng hybrid rice technology at palaganapin sa buong daigdig. Sa kasalukuyan, malawakang itinatanim ang hybrid rice strain na idinibelop ni Yuan sa mga bansang gaya ng Pilipinas, India, Bangladesh, Indonesia, Biyetnam, Amerika, at Brazil.
Sa isang panayam noong buhay pa si Yuan, ipinahayag niya na maraming bansa ang kanyang napuntahan, ang Pilipinas ay ang kanyang pinakapaboritong bansa. Para kay Yuan, ang Pilipinas ay isang bansang may espesyal na kabuluhan.
Sa kanyang buong buhay, mahigit 30 beses na napuntahan ni Yuan ang Pilipinas, at lipos ang damdamin niya sa bansang ito.
Sa katotohanan, ang tawag na “Ama ng Hybrid Rice” ay ibinigay kay Yuan sa Manila. Noong taong 1979, sa kanyang pagdalo sa isang pandaigdigang simposiyum sa Pilipinas, ipinakita ni Yuan sa kauna-unahang pagkakataon, ang resulta ng hybrid rice research sa daigdig. Sa kanyang muling pagpunta sa Pilipinas sa pagdalo sa taunang International Rice Academic Conference na ginanap sa Manila noong 1982, si Yuan ay tinagurian bilang "Ama ng Hybrid Rice."
Mula rito, unti-unting nalaman at kinilala ang natamong taguri kay Yuan bilang “Ama ng Hybrid Rice.”
May isang kasabihang Tsino na “Sa tunay na tagumpay, hinahangad ang kapakinabangan ng iba.”
Si Henry Lim Bon Liong, Presidente ng FFCCCII
Ayon kay Henry Lim Bon Liong, Presidente ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII), nagsabi minsan si Yuan sa kanya na natapos na niya ang tungkulin ng pag-ahon ng mga mamamayang Tsino mula sa gutom, ngunit wala pang sapat na pagkain para sa mga mamamayan ng mga bansang Timog Silangang Asyano.
Ani Yuan, nais niyang baguhin ang kalagayang ito mula sa Pilipinas.
Upang maisakatuparan ang kanyang hangarin, nakipagkooperasyon si Yuan kay Henry Lim Bon Liong para ipadala ang 75 uri ng hybrid rice strains sa Pilipinas at isagawa ang pagsubok-tanim sa 5 hektaryang lupa.
Pagkaraan ng maraming taong puspusang pag-aaral at pagsubok, ayon sa kapaligirang panlupa at kondisyon ng klima sa Pilipinas, noong unang dako ng taong 2001, sa paggamit ng hybrid rice technology ni Yuan, nahubog ng magkasanib na grupong Tsino at Pilipino ang tropical hybrid rice strain na SL-8H na angkop sa lupa at klima ng Pilipinas.
Ayon sa isang artikulong inilathala noong Setyembre ng 2019 ng Manila Times, sa paggamit ng hybrid rice variety na SL-8H, umabot sa 15.45 metric tons per hectare ang ani ng palay sa Pampanga. Sa panahong iyon, 4 metric tons lamang ang karaniwang ani ng palay sa Pilipinas.
Bukod dito, mayroong napakalaking bentahe ang SL-8H sa mga aspektong gaya ng paglaban sa tagtuyot, baha, at pananalanta ng mga peste.
Samantala, pinapalakas ng pamahalaang Tsino at Pilipino ang kooperasyon sa larangang agrikultural.
Noong 2003, lumagda ang Tsina at Pilipinas sa “Minutes of the Meeting Tungkol sa Kooperasyong Panteknolohiya ng Tsina at Pilipinas sa Proyekto ng Sentro ng Teknolohiyang Agrikultural.”
Ayon dito, ipinagkaloob ng pamahalaang Tsino ang pondong 5 milyong dolyares sa Pilipinas para sa pagtatatag ng Sentrong Sino-Pilipino ng Teknolohiyang Agrikultural, at ipinagkaloob ang hybrid rice strains at pautang na agrikultural na nagkahalaga ng 200 milyong dolyares sa Pilipinas para pasimulan ang kooperasyong agrikultural ng dalawang bansa.
Nitong ilang taong nakalipas, kasunod ng malalimang pagpapasulong ng inisyatiba ng “Belt and Road,” pumasok ang nasabing kooperasyong Sino-Pilipino sa bagong yugto. Bunga ng walang humpay na pagtaas ng lebel ng kaalaman ng mga magsasakang Pilipino sa bentahe ng hybrid rice, lumawak ng malaki ang saklaw ng pinagtataniman ng mga hybrid rice sa buong Pilipinas.
Ayon sa balita ng Inquirer, hanggang sa ngayon, lampas sa 1/10 lupang sinasaka sa Pilipinas ay tinataniman ng hybrid rice, at nasa 2.4 milyong tonelada ang karagdagang taunang ani ng palay sa bansang ito.
Ayon pa sa datos na isinapubliko ng Pambansang Kagawaran ng Estadistika ng Pilipinas, nakakatulong ang mga ito sa pagpapakain ng 15 milyon pang mamamayang Pilipino na katumbas ng halos 14% ng buong populasyon ng bansang ito.
Ang ginawang ambag ni Yuan Longping para sa usapin ng hybrid rice ng Pilipinas ay kinilala rin ng pamahalaan ng Pilipinas.
Noong Nobyembre 13, 2003, nagsadya sa China National Hybrid Rice R&D Center sa Changsha, Lalawigang Hunan ng Tsina, ang grupong pinamumunuan ni Hon. Luis P. Lorenzo, dating Kalihim ng Agrikultura ng Pilipinas, para bumisita at magbigay-pasasamalat kay Yuan. Sa ngalan ng Kagawaran ng Agrikultura, binigyan ni Lorenzo ng sertipiko ng pasasalamat si Yuan Longping.
Sa kanya namang pagdalaw sa Tsina noong Setyembre 3, 2004, kinatagpo si Yuan ni dating Pangulong Gloria Macapacal Arroyo. Nilagdaan at ibinigay ni Arroyo ang citation bilang pasasalamat sa ibinigay na ambag, libreng tulong at buong lakas na suporta ni Yuan Longping sa pagpapaunlad ng Pilipinas ng hybrid rice. Lubos na hinangaan din niya ang mahalagang papel ng hybrid rice ng Tsina para sa pagdaragdag ng output ng pagkaing-butil ng Pilipinas.
Sina Yuan Longping (sa gitna) at Zhang Zhaodong (una mula sa kanan)
Bukod dito, ipinadala ni Yuan ang kanyang estudyante na si Zhang Zhaodong sa Pilipinas. Hanggang sa kasalukuyan, nananatili si Zhang sa Pilipinas nang 21 taon, para manaliksik sa tropical high-yielding hybrid rice.
Nang yumao ang kanyang iginagalang na guro, nagtatrabaho si Zhang sa base ng tropical hybrid rice sa Laguna. Ikinalungkot niyang di-maaaring mamaalam sa labi ni Yuan dahil sa pandemiya, pero ang maaaring gawin niya ay mas masikap na pagpapasulong sa mas matatag at pangmalayuang pag-unlad ng hybrid rice.
Pagkaranas ng paulit-ulit na pagkabigo, sa kasalukuyang taon, pinarami ni Zhang Zhaodong, kasama ng grupo ni Henry Lim Bon Liong, ang bagong uri ng super hybrid rice na angkop na itanim sa panahon ng tag-ulan sa Pilipinas.
Saad ni Zhao, kung malalaman ni Yuan Longping ang impormasyong ito, tiyak na matutuwa siya. Pag-asa ni Zhang na muling bumisita si Yuan sa mga sakahan ng palay sa baybaying dagat ng Pilipinas.
Sina William Dar (ikalawa mula sa kaliwa), Kalihim ng Agrikultura ng Pilipinas, Zhang Zhaodong (ikatlo mula sa kaliwa), at Henry Lim Bon Liong (una mula sa kanan)
Nitong Mayo 27, 2021, sa seremonya ng pagsisimula ng taunang “Buwan ng Magsasaka at Mangingisda” sa Pilipinas, si Zhang Zhaodong ay ginawaran ng kataas-taasang parangal ng Kalihim ng Agrikultura ng Pilipinas.
Sa medalya ng parangal, may sulat na nagsasabing si Zhang Zhaodong ay tagapagsimula ng pagdedebelop, pagpoprodyus at pagsasakomersyo ng teknolohiya ng hybrid rice ng Pilipinas, at siya rin ay halimbawa ng pagkakaibigang di-pampamahalaan ng Tsina at Pilipinas.
Sinabi minsan ni Academician Yuan na may dalawang pangarap siya: una, palaganapin sa buong mundo ang hybrid rice; at ika-2, magpahinga sa lilim ng sakahan ng palay. Pangarap niyang magiging kasingtaas ng sorghum ang palay sa subok-sakahan, magiging kasinghaba ng walis ang mga tangkay ng palay, at magiging kasinlaki ng mani ang mga butil.
Sa katunayan, ang esensya ng kanyang pangarap ay paghahangad ng mataas na ani ng palay, upang mapawi ang gutom sa buong mundo.
Kahit pumanaw si Academician Yuan, ang nabanggit na dalawang pangarap niya ay parang isang binhi ng pagkakaibigan sa puso ng mga mamamayang Pilipino.
May-Akda: Lito
Salin: Lito / Vera
Pulido: Mac / Jade
Photo Source: VCG / China News Service