Mga opisyal ng UN: 1 bilyong dosis ng bakuna kontra COVID-19 na planong ipagkaloob ng G7, di-sapat

2021-06-15 17:01:28  CMG
Share with:

Kaugnay ng plano ng Group of Seven (G7) na magkaloob ng 1 bilyong dosis ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa daigdig bago ang katapusan ng susunod na taon, ipinahayag kahapon, Hunyo 14, 2021 ng ilang may kinalamang opisyal ng United Nations (UN), na kulang na kulang pa ang bilang na ito.

 

Sinabi ni Direktor Heneral Tedros Adhanom Ghebreyesus ng World Health Organization (WHO), na sa kasalukuyan, ang pagkalat ng coronavirus ay mas mabilis kaysa pamamahagi ng mga bakuna.

 

Kaya, kinakailangan aniya ngayon ang mas maraming bakuna, sa halip na susunod na taon.

 

Tinukoy naman ni Carl Bildt, espesyal na sugo ng Access to COVID-19 Tools Accelerator, na batay sa kasalukuyang target na pagbabakuna sa di-kukulangin sa 70% ng populasyon ng buong daigdig sa loob ng darating na isang taon, kinakailangan ang 11 bilyong dosis ng bakuna.

 

Saad niya, ang ipinapangakong 1 bilyong dosis ng G7 ay malayo mula sa pagiging sapat.

 

Pinuna naman ni Mark Lowcock, dating Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng UN sa mga Makataong Suliranin ang G7, sa hindi pagkakaroon ng isang seryosong plano para sa pagpapabilis ng pagsuplay ng mga bakuna.

 

Kakaunti lamang aniya ang 1 bilyong dosis, at ito ay isang maliit na hakbang lamang para sa G7.

 

Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan

Please select the login method