Sa kanyang pagsagot sa tanong na may kinalaman sa US-EU summit, sinabi nitong Miyerkules, Hunyo 16, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na walang kuwalipikasyon ang Amerika at Unyong Europeo (EU) na maglabas ng masasamang salita hinggil sa Tsina, at dapat nilang tingnang mabuti ang sariling mga malubhang problema.
Ginanap nitong Martes sa Brussels, Belgium ang US-EU Summit, kung saan, inilabas ang pahayag na bumabatikos sa mga isyung may kinalaman sa Xinjiang, Tibet, Hong Kong, Taiwan, East China Sea, South China Sea at iba pa. Kinondena rin ng pahayag ang umano’y economic coercion at pagpapakalat ng pekeng impormasyon ng Tsina.
Bilang tugon, tinukoy ni Zhao na ang nilalaman ng naturang pahayag ay lubhang malayo sa pagpapaunlad ng bilateral na relasyon.
Hindi lamang aniya ito walang katuwirang pakiki-alam sa mga suliraning panloob ng Tsina, kundi lumikha at nagpalaganap din ng pekeng impormasyon.
Inihahayag ng panig Tsino ang mariing kawalang-kasiyahan at pagtutol dito, dagdag niya.
Diin ni Zhao, tinututulan ng Tsina ang sapilitang pagpapataw ng anumang kagustuhan ng isang bansa sa ibang bansa, pagbuo ng small cliques at pagsasagawa ng bloc politics, at pagwawatak-watak ng daigdig batay sa ideolohiya.
Salin:Vera
Pulido: Rhio