Inihayag nitong Lunes, Hulyo 5, 2021 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina ang matinding pagkabahala at mariing pagtutol ng panig Tsino sa ginawa ng Australia na paghadlang sa pagtanggap ng Papua New Guinea ng mga bakuna ng panig Tsino.
Aniya, ang ganitong aksyon ay paglabag sa pundamental na makataong diwa.
Ayon sa ulat, sa pamamagitan ng pagpapadala ng maraming “tagapayo” sa pambansang sentro ng pagpigil at pagkontrol sa epidemiya ng Papua New Guinea, pinabagal at hinadlangan ng Australia ang pagbibigay-awtorisasyon sa pagpasok ng mga bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na ibinigay ng Tsina sa Papua New Guinea, at higit sa lahat, pinigilan nito ang mga mataas na opisyal ng Papua New Geuinea na nais salubungin ang pagdating ng mga bakunang Tsino.
Kaugnay nito, sinabi ni Wang na gamit ang isyu ng bakuna, isinagawa ng ilang tao ng Australia ang manipulasyong pulitikal at bullying coercion. Ito ay hindi lamang pagsasawalang-bahala sa kalusugan ng mga mamamayan ng Papua New Guinea, kundi grabeng humadlang din sa pangkalahatang kalagayan ng paglaban sa pandemiya ng buong mundo.
Hinimok niya ang panig Australiyano na itigil ang paghadlang at pagsira sa kooperasyon ng Tsina at mga bansang pulo sa Pasipiko sa aspekto ng bakuna, at gawin ang totohanang pagsisikap para sa paggarantiya sa kalusugan at kabiyayaan ng mga mamamayan ng mga bansang pulo, at pagpapasulong sa pandaigdigang kooperasyon kontra pandemiya.
Salin: Vera
Pulido: Mac