Inihayag Miyerkules, Hunyo 9, 2021 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na inimbento lamang ng Hapon at Australya ang isyung umano’y “banta ng Tsina.”
Ito aniya ay halatang paninira lamang at walang katwirang pakikialam sa mga suliraning panloob ng bansa.
Diin niya, buong tatag itong kinokondena at tinututulan ng panig Tsino.
Matatandaang matapos ang pagsasanggunian ng mga ministrong panlabas at ministrong pandepensa ng Hapon at Australya, inilabas nila ang magkasanib na pahayag bilang pagtutol sa paninindigan at mga aktibidad ng Tsina sa mga isyung pandagat.
Inihayag din nila ang pagkabahala sa umano’y paglapastangan sa karapatang pantao sa lahing Uygur ng Xinjiang, at pagpapahina ng demokratikong mekanismo ng Hong Kong.
Kaugnay nito, ipinagdiinan ni Wang na may di-mapapabulaanang soberanya ang Tsina sa mga isla sa South China Sea at rehiyong pandagat sa paligid, at Diaoyu Island at mga pulo nito.
Dagdag niya, ang mga isyung may kinalaman sa Xinjiang at Hong Kong ay suliraning panloob ng Tsina, at hinding hindi pinahihintulutan ang pakikialam dito ng anumang bansang dayuhan.
Diin pa niya, buong tatag ang determinasyon at mithiin ng Tsina sa pagtatanggol sa soberanya, seguridad at kapakanang pangkaunlaran ng bansa.
Hinimok niya ang naturang dalawang bansa na itigil ang pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, at ihinto ang pagsira sa pangkalahatang kalagayan ng kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Salin: Vera
Pulido: Rhio