Ang Minor Heat o Xiao Shu ay ang ika-11 sa 24 na solar term ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino, at ito ay nagsimula ngayong araw, Hulyo 7 at tatagal hanggang Hulyo 21, 2021.
Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, mainit ang klima sa panahon ng Minor Heat, pero hindi pa ito ang pinakamainit, dahil paparating pa lamang ang sobrang init na klima ng taon.
Ang Minor Heat ay siya ring panahon ng tag-ulan at mabilis na pagyabong ng mga pananim sa kalakhang Tsina.
Kaugnay ito, tatlong penomena ang pinaniniwalaang kaantabay ng Minor Heat, at ito ay ang mga sumusunod:
· Pag-ihip ng mainit na simoy ng hangin – sa panahon ng Minor Heat, walang simoy ng malamig na hangin;
· Pagsiksik ng mga kuliglig sa mga dingding – sa mismong panahon ng pagdating ng Minor Heat, ang mga kuliglig ay umiiwas sa init, kaya naman kadalasang makikita ang mga ito na sumisiksik sa mga dingding at iba pang malalamig na lugar;
· Paglipad ng mga agila sa mas malamig na bahagi ng kalangitan – ang mga agila ay maikukunsiderang hari ng kalangitan at mas mataas at mas malayo ang kanilang maaaring liparin, kaya naman sa pagdating ng Minor Heat, nagpupunta ang mga ito sa mas malamig na bahagi upang makaiwas sa init.
Tradisyonal na kagawian tuwing Minor Heat
Tulad ng iba pang kaganapan o pagdiriwang sa tradisyunal na kulturang Tsino, mayroong mga paniniwala at kostumbre na inoobserbahan sa panahon ng Minor Heat, at ang mga ito ay ang mga sumusunod:
· Pagbibilad ng Damit
Ayon sa matandang kuwento, ang Minor Heat ay ang panahon kung kailan ibinibilad ng emperador ang kanyang mga damit. Mula rito, nabuo ang paniniwala ng mga Tsino ng pagbibilad ng mga damit at iba pang kagamitan tuwing Minor Heat. Sa katunayan, may siyentipikong halaga ang kagawiang ito, dahil ang sinag ng Araw ay may malakas na radiyasyon ng ultraviolet na pumapatay ng maraming mikrobyo. Kaya, ang pagbibilad ng mga kasuotan ay malaking tulong sa pagpapanatili ng kalinisan at kalusugan ng katawan. Bukod sa mga damit, nakagawian na rin ng mga Tsino ang pagbibilad ng iba pang bagay na tulad ng mga inani, aklat at iba pang kasangkapan sa bahay upang maiwasan ang pagkaka-amag ng mga ito. Noong panahon ng Dinastiyang Qing (1644-1912), binubuksan ng mga taga-Beijing ang kanilang mga baul at inilalabas ang mga damit, sapatos, sombrero at kobre kama upang paarawan, kaya naman ang Minor Heat ay kilala rin bilang “Pestibal ng Pagbibilad ng Damit.”
Katulad ng ating unang nabanggit, ang Minor Heat ay panahon din ng mabilis na paglago ng mga pananim, kaya nasa panahon ang pamumukadkad ng mga bulaklak ng Lotus. Kaya, isa nang kagawian sa Tsina ang pagpunta sa mga parke at iba pang katulad na lugar upang silayan ang mga simple subalit napaka-eleganteng bulaklak ng Lotus.
Ang mga alitaptap ay naglalabasan tuwing Minor Heat, kaya, isang kawili-wiling kagawian ng mga Tsino na pagmasdan at kamanghaan ang mga mumunting-ilaw na inilalabas ng mga hayop na ito sa gabi. Sa katunayan, inilarawan ni Zhu Shuzhen, isang kilalang makatang binibini mula sa Dinastiya ng Katimugang Song (1127-1279), ang tagpo ng mga batang masayang naglalaro sa kakahuyan kasama ang mga alitaptap sa kanyang kilalang tulang pinamagatang Summer Fireflies.
Pagkain tuwing Minor Heat
Ang pagkain ay isang hindi maihihiwalay na bahagi ng kulturang Tsino. Ito ay makikita sa bawat pagdiriwang at bawat pagtitipon.
Sa panahon ng Minor Heat, mayroon siyempreng mga pagkaing inihahain ang mga Tsino, at ang mga ito ay ang mga sumusunod:
Tulad nating mga Pilipino, ang mga Tsino ay mahilig ding kumain ng melon at pakwan tuwing mainit ang panahon. Ang mga ito ay sagana sa bitamina at tubig na kailangan ng katawan upang maiwasan ang dehydration.
Ang dumpling o Jiaozi ay maikukunsiderang isang tradisyonal, masustansiya at espesyal na putahe sa hapag-kainang Tsino.
Sa maraming okasyon, kumakain ng dumpling ang mga Tsino.
Pagpasok ng Minor Heat, darating din ang mga pinakamainit na araw na kung tawagin ay Dog Days o San Fu sa wikang Tsino. Ang San ay nangangahulugan ng tatlo at ang Fu naman ay tumutukoy sa pinakamainit na panahon. Ang San Fu ay tumatagal ng 30 hanggang 40 araw at bawat Fu ay may 10 hanggang 20 araw.
May kasabihang Tsino: Dumpling ang para sa unang Fu, nudel para sa pangalawang Fu, at Chinese pancake na may kasamang binatil na itlog para sa pangatlong Fu.
Ang unang Fu sa taong ito ay magsisimula Hulyo 11 at tatagal hanggang Hulyo 20, na natatapat sa panahon ng Minor Heat.
Kapag mainit ang panahon, maraming tao ang nawawalan ng ganang kumain, na hindi mabuti sa kalusugan. Ang dumpling na gawa sa bagong giling na harina mula sa bagong aning trigo ay makakatulong sa pagbabalik ng gana sa pagkain.
Isang kilalang tradisyon sa ilang lugar ng Tsina ang paghigop ng sabaw at pagkain ng mga putahe ng mutton tuwing Minor Heat. Ang sinabawan o nilagang mutton sa panahong ito ay pinaniniwalaang nakakapagpalakas ng katawan. Kapag kayo ay humigop ng sabaw ng nilagang mutton, ipapawis din ninyo ang mga toxin.
· Palos o igat
May kasabihang Tsino“Sa panahon ng Minor Heat, ang palos sa palayan ay sinsarap ng ginseng.” Kaya naman, popular na putahe ang palos sa panahong ito.
· Ugat ng Lotus
Isa pang kadalasang kinakain sa panahong ito ay ugat ng Lotus. Tulad ng una kong nabanggit, ang mga bulaklak ng Lotus ay namumukadkad tuwing Minor Heat, at ang kanilang ugat ay masarap namang pagkain. Kadalasan ay pinakukuluan ang ugat nito, hinihiwa nang manipis at maaaring wisikan ng pulut-pukyutan o honey.
· Bagong-aning bigas
Simula pa noong unang panahon, kaugalian na ng mga Tsinong magsaing ng bagong-aning bigas matapos dumating ang Minor Heat. Maliban diyan, gumagawa at umiinom din sila ng tuba na mula sa bigas.
Artikulo: Rhio Zablan
Content-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Larawan: CFP
Source: Sarah/Jade