Tulad ng Pilipinas, ang Tsina ay isa ring tradisyunal na agrikultural na bansa, at magpahanggang ngayon, taglay pa rin ng agrikultura ang napakahalagang papel sa pagpapabuti ng pamumuhay ng nakararaming Tsino.
Isang mahalagang kasangkapan ng mga magsasaka sa Tsina ang Nong Li, na kilala rin bilang Tradisyunal na Kalendaryong Tsino.
Hinahati nito ang isang taon sa 24 na solar term, at ang mga solar term na ito ang siyang nagsisilbing gabay sa mga aktibidad pang-agrikultura, na patuloy pa ring ginagamit hanggang sa kasalukuyang panahon.
Noong 2016, ang 24 na solar term ay inilakip sa listahan ng intangible cultural heritage ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).
Kaugnay nito, pumasok ngayong araw, Mayo 5, ang ikapitong solar term na kung tawagin ay Li Xia, at ito ay tatagal hanggang Mayo 20.
Literal na nangangahulugang“Simula ng Tag-init,”ang Li Xia ang siya ring unang solar term sa panahon ng Tag-init.
Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang Li Xia ay ang hudyat na nagsimula na ang mainit na klima.
Sa panahong ito, karaniwang matatagpuan sa mga pamilihan sa bansa ang napakaraming uri ng prutas at gulay tulad ng pakwan, melon, talong, at marami pang iba. Maraming bulaklak ang namumukadkad din.
At dahil marami ang mga sariwang gulay at prutas, komon din sa panahong ito ang mga food tasting fair.
Samantala, sa ilalim ng init ng araw sa kabukiran, karaniwan ding makikita ang mga magsasaka habang abalang-abala sa pagbubunot ng damo, paglilinang ng lupa, at pagbobomba ng pestisidyo, upang lalong mapagbuti ang mga pananim at magkaroon ng ginintuang ani pagdating ng Taglagas.
Sa bisperas ng Lixia, sinusuri ng mga magsasaka ang bukirin ng trigo sa Nayong Dongming, Lunsod Xinle, Lalawigang Hebei. Larawang kuha Mayo 4, 2021.
Sa bisperas ng Lixia, abalang abala sa pagtatanim ng punla ng palay ang mga magsasaka ng Hongqiao Town, Lunsod Leqing, Lalawigang Zhejiang. Larawang kuha Mayo 4, 2021.
Sa bisperas ng Lixia, abalang abala sa pagtatanim ng punla ng palay ang mga magsasaka ng Nayong Guitou, Meihua Town, Dao County, Lunsod Yongzhou, Lalawigang Hunan. Larawang kuha Mayo 4, 2021.
Sa bisperas ng Lixia, abalang abala sa pagtatanim ng scallion ang mga magsasaka sa Jize County, Lunsod Handan, Lalawigang Hebei. Larawang kuha Mayo 4, 2021.
Sa bisperas ng Lixia, ang mga magsasaka ng Nayong Lubian, Xinhe Town, Lunsod Taizhou, Lalawigang Zhejiang ay nagbobomba ng pestisidyo sa mga punla sa gabi . Larawang kuha Mayo 2, 2021.
Pagkain, kagawian, paniniwala
Marami ang mga kawili-wiling paniniwala, kagawian at siyempre, pagkaing Tsino sa panahon ng Li Xia, at ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
· Tea Egg
Ang pagkain ay isang elementong hindi mawawala sa anumang pagdiriwang at pestibal sa Tsina; at para sa Li Xia, ang itlog ang may espesyal na papel.
Naniniwala ang mga sinaunang Tsino na ang pagkain ng itlog sa unang araw ng Li Xia ay maaaring magsanggalang sa mga tao laban sa sakit.
Pinaniniwalaan ding ito ang pinagmulan ng putahe ng itlog na kilalang-kilala bilang tradisyonal at masustansyang meryenda – ang "tea egg."
Ayon sa tradisyon, pinakukuluan sa tubig na pinaglagaan ng tsaa at iba pang mga rekado ang "tea egg."
Madali lang itong lutuin, at kailangan lamang ay ilaga ang itlog kasama ang mga dahon ng tsaa o tea bag, at samu’t saring sangkap na gaya ng toyo, asin, balat ng walnut, Chinese prickly ash, at aniseed.
Maaari rin ninyong ilagay ang mga sahog na gusto ninyo.
Subukan ninyo, at imensahe sa amin ang inyong karanasan!
Pagtitimbang ng bigat
Ang kostumbreng ito ay nagsimula sa Panahon ng Tatlong Kaharian o Three Kingdoms Period (220-280AD).
(Adisyonal kaalaman: ang pelikulang Red Cliff na inilabas noong 2008 ay nakabase sa mga pangyayari sa Panahon ng Tatlong Kaharian).
Noong unang panahon, matapos mananghalian sa araw ng pagpasok ng Li Xia, bata man o matanda ay nagsusukat ng timbang gamit ang mga tradisyunal na timbangan.
Pinaniniwalaang magkakaroon ng suwerte at mabuting kalusugan ang mga nagpatimbang.
Pagtitimbang ng mga bata sa panahon ng Lixia sa lunsod Jinhua, lalawigang Zhejiang. Larawang kuha Mayo 5, 2018.
Kung sabagay, mabuting malaman kaagad ang ating timbang upang magawan ng paraan kung tayo ay masyado nang mabigat, hindi po ba?
Kompetisyon ng Itlog
May isang matandang kasabihang Tsino, "pananggalang sa sakit sa Tag-init ang pagsasabit ng itlog sa leeg ng bata.”
Kaya naman sa unang araw ng Li Xia, kagawian na ng maraming magulang sa Tsina ang paglalaga ng itlog, inilalagay sa burdadong sisidlan, at isinasabit sa leeg ng kanilang anak.
Samantala, isang kawili-wiling laro o“kompetisyon ng itlog”ang ginagawa ng mga bata gamit ang mga itlog na ito.
Pinag-uuntugan nila ang mga dalang itlog; at kung sino ang hindi nabasagan ng balat, siya ang panalo.
Para sa mga bata, ito ay isang nakakatuwa at masayang laro.
Kompetisyon ng itlog na sinasalihan ng mga guro at bata sa isang kindergarten sa Distrito Ganyu, Lunsod Lianyungang, lalawigang Zhejiang. Larawang kuha Hunyo 22, 2020.
Pangangalaga ng puso
Ayon sa Tradisyunal na Medisinang Tsino (TCM), ang panahon ng Li Xia ay masusing oras upang bigyang-pansin ang pangangalaga sa puso.
Dahil kapag tumataas ang temperatura, naaapektuhan ang kalusugan ng mga tao.
Kaya, rekomendado ng TCM ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa bitamina at likas na malamig, tulad ng pipino, kamatis, ampalaya, munggo, pakwan, melon, strawberry at iba pang pagkaing may similar na katangian.
Maigi rin sa kalusugan ang pagtulog ng maaga.
Maikling kasaysayan
Dahil ang Li Xia ay mahalagang panahon para sa mga pananim na aanihin sa tag-init na tulad ng trigo at kanola, maraming sinaunang emperador mula sa iba’t-ibang dinastiya ang nagbigay ng pagpapahalaga rito.
Sa panahon ng Dinastiyang Zhou (1050-221BC), pinangunahan ng emperador ang pagdaraos ng seremonya bilang pagtanggap sa pagdating ng Li Xia.
Upang ipagdasal ang mabuting ani, ang mga dekorasyon sa pagdiriwang ay pawang kulay pula, kabilang na ang mga kasuotan ng emperador at kanyang mga opisyal, kuwintas na hade, mga kabayo at watawat.
Inenkorahe rin ng emperador ang mga mamamayan na magsipag sa pagtatrabaho sa bukid sa panahong ito.
Artikulo: Rhio Zablan
Content-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Larawan: CFP/IC
Magandang tanawin, kawili-wiling kagawian at pagkain tuwing Chun Fen
Jing Zhe, hudyat ng muling paggising, ibayong pagsigla at abalang pagsasaka
Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina
Yu Shui, tagapagdala ng biyayang ulan at panahon ng makukulay na kagawiang Tsino
Xiao Nian, paghahanda sa Bagong Taong Tsino at selebrasyon para sa masaganang bukas
Laro ng pagpapatayo ng itlog at pagkain ng lumpia, mga kaugalian sa Li Chun