Araw ng Xia Zhi, pinakamahabang araw sa hilagang emispera

2021-06-21 17:09:34  CMG
Share with:

Araw ng Xia Zhi,  pinakamahabang araw sa hilagang emispera_fororder_07

 

Hinahati ng Nong Li o Tradisyunal na Kalendaryong Tsino ang isang taon sa 24 na solar term.

 

Ang mga solar term ay nagawa mahigit libong taon na ang nakakaraan bilang gabay sa mga gawaing agrikultural, tulad ng pagpupunla, paglilinang, paglalagay ng pestisidyo, pag-ani, pag-imbak, at marami pang iba.

 

Pero, alam ba ninyong ang kultura ng solar term ay kapaki-pakinabang pa rin hanggang ngayon?

 

Sa katotohanan, ang mga solar term ay importante sa buhay ng maraming Tsino dahil ang mga ito ay nagsisilbing paalala at gabay sa pagsasaka, pagdaraos ng mga kultural na seremonya, panlipunang selebrasyon, at siyempre paggawa at paghahanda ng mga espesyal na pagkain.

 

Kaugnay nito, dumating ngayong araw, Hunyo 21 at tatagal hanggang Hulyo 6, 2021 ang ikasampung solar term ng Nong Li – ang Xia Zhi o Summer Solstice.

 

Bilang ika-apat ding solar term ng Tag-init, ang Xia Zhi ay gumaganap ng mahalagang papel sa astronomiya dahil sa pagkakataong ito, ang Araw ay direktang nasa itaas ng Tropiko ng Kanser.

 

Ibig sabihin, sa araw ng Xia Zhi, ang araw ay mas mahaba kumpara sa gabi sa hilagang emispera, pero matapos ito, ang haba ng araw ay unti-unting iikli, samantalang hahaba naman ang gabi.

 

Dahil dito, malaki ang kaugnayan ng Xia Zhi sa oras at paraan ng pagtatrabaho ng mga magsasaka.

 

Bilang pagsalubong sa Xia Zhi, may kaugalian ang mga Tsino na kumain ng nudel o pansit.  Kaugnay nito, may kasabihang Tsin: makaraang kumain ng nudel sa araw ng Xia Zhi, unti-unting iikli ang araw.

 

Alam ba ninyo kung gaano katagal ang pinakamahabang araw sa Tsina?

 

Ang isang buong araw sa Mohe, lalawigang Helongjiang, dakong hilagang-silangan ng Tsina ay tumatagal ng 17 oras sa unang araw ng panahon ng Xia Zhi.

 

Ito rin ang pinakamainam na panahon upang pagmasdan ang aurora borealis o northern lights ng Mohe, pinakadulong siyudad sa kahilagaan ng Tsina.

 

Ang Mohe ay kilala bilang“di-natutulog na lunsod ng Tsina,”dahil sa mahaba nitong araw kumpara sa gabi sa panahon ng Xia Zhi.

 

Maliban dito mayroon pang ibang nakatutuwang kagawian, paniniwala, at siyempre, masarap na pagkain tuwing Xia Zhi sa Tsina.

 

Panahon ng pagkain ng malamig na nudel

 

May kasabihang Tsino, "kumain ng dumpling sa Winter Solstice at kumain naman ng nudel sa Summer Solstice." Kaya, popular na pagkain ang mga pansit at nudel kapag Xia Zhi, partikular ang malamig na uri ng nudel.

 

Tuwing tag-init, isang popular na pagkain sa Tsina ang cold noodle o malamig na nudel. Maraming uri ng malamig na nudel sa Tsina, at ang isa sa mga ito ay pinaniniwalaang nagmula sa dongbei o hilagangsilangan ng bansa. Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan, ito ay malamig na klase ng nudel na sinasabawan ng sopas mula sa baka o manok at sinasahugan ng ginayat na repolyo, karne ng baka, nilagang itlog, pipino, piraso ng peras, sibuyas, at kung minsan ay nilalagyan din ng konting sili. Ang mga nudel naman ay maninipis at may kakunatan, pero ang lasa ay malinamnam at nagbibigay ginhawa – tamang-tamang meryenda at panlaban sa mainit na panahon.

 

Araw ng Xia Zhi,  pinakamahabang araw sa hilagang emispera_fororder_06

Araw ng Xia Zhi,  pinakamahabang araw sa hilagang emispera_fororder_05

Araw ng Xia Zhi,  pinakamahabang araw sa hilagang emispera_fororder_10

Araw ng Xia Zhi,  pinakamahabang araw sa hilagang emispera_fororder_09

Iba't ibang uri ng malamig na nudel

 

Pestibal ng makukulay na pamaypay at mahahalimuyak na pakete

 

Dahil sa agrikultural na kahalagahan, ang Xia Zhi ay isang importanteng pestibal noong sinaunang panahon sa Tsina.

 

Ayon sa tala ng Dinastiyang Song (960-1279AD), maaring magkaroon ng tatlong araw na pahinga ang mga opisyal ng pamahalaan sa panahon ng Xia Zhi.

 

Upang ipagdiwang naman ng mga kababaihan ang Xia Zhi, gumagawa sila ng makukulay na pamaypay at mga paketeng pinalamnan ng mga halamang-gamot at ginagawang regalo sa isa't-isa. Ang makukulay na pamaypay ay mainam na panlaban sa maalinsangang panahon, samantalang ang mga pakete naman ay ginagamit na panlaban sa mga lamok at pabango.

Araw ng Xia Zhi,  pinakamahabang araw sa hilagang emispera_fororder_02

Ang tradisyonal na hugis-bilog na pamaypay ng Tsina

Araw ng Xia Zhi,  pinakamahabang araw sa hilagang emispera_fororder_04

Araw ng Xia Zhi,  pinakamahabang araw sa hilagang emispera_fororder_03

Araw ng Xia Zhi,  pinakamahabang araw sa hilagang emispera_fororder_01

Mga mahalimuyak na pakete

 

Panahon ng nawawalang anino

Tuwing panahon ng Xia Zhi, ang Araw ay direktang nasa itaas ng Tropiko ng Kanser. Dahil dito, isang kahanga-hangang penomenon ang nangyayari na tinatawag na "nakatayong poste na walang anino.” Tuwing katanghaliang tapat sa may lugar ng Tropiko ng Kanser (23° 26′ hilaga), walang magiging anino ang kahit anumang nakatayo sa lupa. Kaugnay nito, sa loob ng libu-libong taon, malaki ang ginagampanan ng Araw sa kultura at pamumuhay ng mga Tsino. Sa katunayan, mayroong templong itinayo sa Beijing upang bigyang-pugay ang Araw – ang Ri Tan, na literal na nangangahulugang “Templo ng Araw.” Ang penomenong "nakatayong poste na walang anino” ay isa sa mga inoobserbahan ng mga Tsino, partikular sa mga lugar na malapit sa Tropiko ng Kanser na tulad ng Hani Autonomous County ng Mojiang, lalawigang Yunnan, sa dakong timog-kanluran ng Tsina.  

 

Karera ng Bangkang Dragon

 

Ang karera ng bangkang dragon ay isang kawili-wiling aktibdad sa Tsina. Ito ay kilala dahil sa Pestibal ng Bangkang Dragon o Duan Wu Jie na madalas na idinaraos sa panahon ng Mang Zhong o Butil sa Tainga, ang solar term na nauuna sa Xia Zhi. Pero maliban dito, idinaraos din ang karera sa iba pang pagtitipon at pagdiriwang, tulad ng Xia Zhi. Dahil sa mainit na klima tuwing Xia Zhi, popular ang Karera ng Bangkang Dragon sa mga Tsino, lalo na sa mga lugar na malapit sa katubigan. Isang mabuting halimbawa ay sa Shaoxing, lalawigang Zhejiang, dakong silangan ng Tsina. Mula pa noong mga Dinastiyang Ming (1368-1644) at Qing (1644-1911), isang kapana-panabik na tradisyon ng mga mamamayan ang pagkakarera tuwing Xia Zhi.

 

Artikulo: Rhio Zablan

Content-edit: Jade/Rhio

Web-edit: Jade/Sarah

Larawan: CFP/IC

Source: Sarah

 

 

 

 

 

Please select the login method