Dumating ngayong araw, Mayo 21, 2021 ang ikawalo sa dalawampu’t apat na solar term ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino – ang Lesser Fullness Grain o Xiaoman.
Tatagal hanggang Hunyo 4, ang Xiaoman ay siya ring ikalawang solar term sa tag-init.
Kagaya ng kahulugan ng pangalan nito, ang mga bungang butil sa panahon ng Xiaoman ay nagiging siksik sa laman, ngunit hindi pa hinog, o hindi pa maaaring anihin.
Tuwing Xiaoman, ang mga halaman, pananim, hayop at maging tao, ay nasa estado ng ganap na paglaki at pagyabong.
Ito rin ay napakahalagang kabanata para sa mga magsasakang Tsino, dahil maikukunsidera itong preparasyon o pagsalubong sa panahon ng anihan.
Bukod diyan, mainit ang temperatura, madalas ang pagbuhos ng ulan, at may pagtaas ang humidity o basang panahon tuwing Xiaoman.
Dahil diyan, karaniwan ang panghihina ng katawan, panunuyo ng lalamunan, pagkahilo, pagkawala ng ganang kumain, pangangati, rayuma, eksema at iba pang sakit sa balat.
Upang malabanan ang mga simtomas na ito, inirerekomenda ng Tradisyunal na Medisinang Tsino ang mga sumusunod:
--Pagtulog sa hapon – ang 30 minutong pahinga matapos mananghalian ay sapat na upang mabawi ang nawalang lakas dahil sa mainit na panahon.
--Pangangalaga sa puso – sa panahon ng Xiaoman, napakadaling maging iritable. Mas makakabuti sa kalusugan ang pagpapanatili ng kalmadong disposisyon ng pag-iisip upang maiwasan ang altapresyon, atake sa puso at iba pang sakit. Mainam din ang madalas na pag-e-ehersisyo sa labas ng bahay tulad sa mga parke.
--Pag-inom ng sapat na likido – dahil sa init ng panahon, pawisin ang mga tao. Kaya naman, ang pag-inom ng sapat na tubig o katas ng prutas ay rekomendado upang mapanatiling balanse ang disposisyon ng isipan at lakas ng katawan.
Tradisyonal na kagawian tuwing Xiaoman
· Pagpupugay sa gulong ng tubig o water wheel – Sa loob ng libu-libong taon, ginamit ng mga magsasakang Tsino ang mga gulong ng tubig o water wheel sa irigasyon ng pananim, at ang panahon ng Xiaoman ang okasyon kung kailan pinasasalamatan ng mga magsasaka ang mga estrukturang ito dahil sa pakinabang na hatid. Ayon sa tradisyon, sa bukang-liwayway ay magtitipon ang mga kalalakihang magsasaka sa paligid ng mga gulong ng tubig at kakain ng mga meryendang gawa sa trigo o galapong, habang hinihintay ang senyal ng pagsisimula ng seremonya. Sa tunog ng gong at tambol, aakyatin ng mga magsasaka ang mga gulong ng tubig at sisimulan ang pagpadyak upang mapatubigan ang mga sakahan. Di-nagtagal, ito ay naging paligsahan sa pagitan ng mga barangay upang malaman kung sino ang pinakamabilis na makakapag-iriga sa kanilang mga sakahan. Bukod diyan, nagbibigay rin ng mumunting alay ang mga magsasaka sa “diyos ng gulong” upang hilingin na ipagsanggalang sila laban sa tagtuyot sa susunod na taon.
· Pagpupugay sa uod-sutla o silkworm – Habang abala ang mga kalalakihang magsasaka sa pagpadyak sa gulong ng tubig, ipinagdiriwang naman ng mga kababaihan ang araw ng kapanganakan ng “diyosa ng uod-sutla,” na pinaniniwalaang natataon sa panahon ng Xiaoman. Dahil ang paghahabi ng sutla ay napakahalaga para sa paggawa ng kasuotan ng pamilya, at isa ring pinanggagalingan ng kita, ikinukunsidera ng mga kababaihan sa sinaunang Tsina ang uod-sutla bilang hayop na pinagpala ng langit. Sa ibang lugar ng bansa, ang mga manghahabi ng sutla ay bibisita sa mga templo upang magbigay-alay sa “diyosa ng uod-sutla,” tulad ng prutas, alak, at iba pang meryendang hugis bahay-uod. Sa panahong ito, niluluto rin ng mga kababaihan ang mga bahay-uod o cocoon at inihahanda ang mga panghabi upang gumawa ng tela mula sa sutla.
Tradisyonal na pagkain tuwing Xiaoman
· Isda – Mayroong matandang kasabihan sa Tsina sa panahon ng Xiaoman, "Pinupuno ng malakas na ulan ang ilog.” Dahil sa madalas na pagbuhos ng ulan sa panahong ito, mataas ang tubig sa mga ilog, kaya naman marami rin ang napakalinamnam na isda at iba pang lamang-tubig. Bukod sa paghahanda sa pag-ani ng mga pananim na butil sa bukirin, ang Xiaoman ay panahon din ng pag-ani ng biyaya ng tubig.
· Moras o Mulberry – Ayon sa isang kasabihang Tsino, "Nangingitim ang mga moras tuwing Xiaoman.” Kaya, naniniwala ang mga Tsino, na ang panahong ito ay mainam upang kumain ng mga moras. Hindi lang ito masarap, nakakabuti pa sa kalusugan.
· Sow thistle – Tuwing Xiaoman, karaniwang kinakain ang gugulayin na kung tawagin ay sow thistle. Ito ay may mapait-pait at medyo manamis-namis na lasa, ngunit napakainam sa pagtanggal ng sobrang init sa dugo at nag-aalis din ng mga nakalalasong kemikal sa katawan ng tao. Ibat’t-ibang putahe ang maaaring gawin mula rito. Maaari itong budburan ng kaunting asin, haluan ng suka, paminta at bawang upang magsilbing salad. Ang iba naman ay ginagamit sa paggawa ng sopas ang pinagpakuluan nito.
Ensalada ng sow thistle
Kung magkakaroon kayo ng pagkakataong makatagpo ng sow thistle, narito ang isang simpleng recipe na pwede ninyong subukan.
Maaari rin po ninyong palitan ang sow thistle ng iba pang mga gulayin na gaya ng ampalaya, spinach, celery at iba pa.
· Madaliang pakuluan ang gulay;
· Salain at alisan ng tubig;
· Haluan ng plum sauce, toyo, at budburan ng anis at tinadtad na scallion.
· Namnamin ang mamait-mait, manamis-namis at maasim-asim na lasang saktong-sakto para sa tag-init.
Artikulo: Rhio Zablan
Content-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Larawan: CFP/IC
Source: Sarah/Jade
International Nurse Day, ipinagdiriwang: mga nars, bayani ng digmaan kontra COVID-19
Produktong Pinoy, inilunsad sa Tsina: patakaran ng bansa, malaking tulong sa mga dayuhang kompanya
Kawili-wiling paniniwala, kagawian at pagkain sa panahon ng Li Xia – ang Simula ng Tag-init
Magandang tanawin, kawili-wiling kagawian at pagkain tuwing Chun Fen
Jing Zhe, hudyat ng muling paggising, ibayong pagsigla at abalang pagsasaka