Hinahati ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino ang isang taon sa 24 na solar term.
Ang mga ito ay nagawa mga libong taon na ang nakakaraan upang maging gabay sa pagtatanim, pagpuksa sa mga peste, pag-aani at pag-iimbak, at marami pang iba.
Magpahanggang ngayon ang mga solar term ay nananatili pa ring kapaki-pakinabang na palatandaan at gabay sa pagsasaka, pagpili ng mga espesyal na pagkain, pagsasagawa ng mga kultural na seremonya, at pagpapanatili ng malakas na pangangatawan.
Kaugnay nito, dumating ngayong araw, Hunyo 5 at tatagal hanggang Hunyo 20, 2021 ang ikasiyam sa dalawampu’t apat na solar term ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino – ang Butil sa Tainga.
Bakit ito tinatawag na Butil sa Tainga?
Sa wikang Tsino, ang solar term na Butil sa Tainga ay tinatawag na 芒(mánɡ)种(zhònɡ).
Ang unang karakter“芒(mánɡ)”ay nangangahulugang tainga o dulo ng butil – ibig sabihin, paghinog ng bungang butil na pangunahing na tumutukoy sa barley at trigo.
Anihan ng trigo sa Baranggay Xibeidi, Guangping County, lalawigang Hebei, Tsina. Larawang kuha, Junyo 3, 2021.
Bukod diyan, itinatanim din sa panahong ito ang palay at kamote, at mainam na nililinang ang mga pananim na itinanim sa nakaraang tagsibol na gaya ng mais at bulak sa pamamagitan ng paggamas ng mga damo at pagbobomba ng pestisidyo.
Ang mga magsasakang taga-Hongtian, baranggay ng Lanshan County sa lalawigang Hunan, Tsina habang nagtatrabaho sa palayan. Larawang kuha Hunyo 4, 2021.
Ang mga magsasakang taga-Datang, baranggay ng Jiang County sa lalawigang Guizhou, Tsina habang nagtatrabaho sa palayan. Larawang kuha Hunyo 4, 2021.
Samantala, ang bigkas nitong“mánɡ”ay kahalintulad ng bigkas ng karakter Tsino para sa abala.
Ang ikalawang karakter na “种(zhònɡ)” ay nangangahulugang paglago, pagtatanim, at pagpapayabong.
Kaya, tuwing panahon ng Mang Zhong, na siya ring ikatlong solar term ng tag-init, ang mga magsasaka ay abalang-abala sa pag-ani, pagtatanim, at pag-aalaga sa samu’t saring pananim.
May kasabihang Tsino, “过(ɡuò)了(le)芒(mánɡ)种(zhǒnɡ),不(bù)可(kě)强(qiánɡ)中(zhōnɡ),” na ibig sabihin ay“Kapag lumipas na ang Mang Zhong, lipas na rin ang ginintuang panahon ng pagtatanim.”
Tradisyunal na kagawian tuwing Butil sa Tainga
Noong sinaunang panahon, idinaraos ng mga Tsino ang Pestibal ng Bulaklak tuwing ikalawang araw ng ikalawang buwan ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino bilang pagpupugay sa muling pagdating ng “diyosa ng bulaklak,” dahil sa panahong ito namumukadkad ang makukulay at naggagandahang bulaklak.
Sa kabilang dako, nagsisimula namang malanta ang mga bulaklak sa pagpasok ng panahon ng Butil sa Tainga, kaya bilang pagpapaalam sa “diyosa ng bulaklak,” nagdaraos ng rituwal ang mga tao bilang pasasalamat at pagpapahayag ng mabuting hangarin para sa muling pagkikita sa susunod na taon.
Sa lalawigang Guizhou, dakong timog ng Tsina, isa nang kagawian ng mga kabataan mula sa nasyonalidad na Dong, ang kapistahan ng pagbubuno sa putikan tuwing panahon ng Butil sa Tainga.
Ito ay masayang aktibidad at mabuting ehersisyo.
Samantala, ang mga bagong kasal naman ay nakikilahok sa aktibidad ng pagtatanim ng palay kasama ang mga kaibigan. Pero, habang nagtatanim, nagbabatuhan at naglalaro sila sa putikan. Sa bandang huli, itatanghal na pinakapopular na personahe ang taong may pinakamaraming putik sa katawan.
Pinaniniwalaang nagsimula sa unang dako ng Dinastiyang Ming (1368-1644), ang "An Miao" na literal na nangangahulugang pagsasanggalang sa punla ay isang tradisyunal na aktibidad pang-agrikultura sa lalawigang Anhui, dakong timog ng Tsina.
Ito ay madalas ginaganap makaraang ilipat ang mga punla ng palay sa bukirin. Ayon dito, sa panahon ng Butil sa Tainga bawat taon, idinaraos ang mga seremonya upang ipagdasal ang ginintuang ani sa panahon ng Taglagas. Para naman sa mga sakripisyo, gumagawa ng tinapay na may iba’t-ibang hugis at disenyo mula sa harina ng bagong aning trigo ang mga tao at kinukulayan ang mga ito gamit ang katas ng gulay.
Ang mga bata mula sa isang kindergarten ng Distrito Mentougou, Beijing, Tsina, habang nagseselebrate ng kapistahan ng An Miao. Larawang kuha Hunyo 3, 2021.
Mga pagkain tuwing Butil sa Tainga
Ang trigo ay karaniwang itinatanim sa Tsina tuwing Taglagas at ina-ani naman tuwing Tag-init, kung saan, napapaloob ang solar term na Butil sa Tainga. Ang mga pagkaing gawa sa bagong-aning trigo sa panahon ng Butil sa Tainga ay talaga namang napakasarap pagsaluhan.
Ang mga buwan ng Mayo at Hunyo ay panahon kung kailan nahihinog ang mga plum (isang uri ng singwelas). Ang mga kulay berdeng plum ay nagtataglay ng iba’t-ibang uri ng natural at mataas na kalidad na mineral at bitaminang nakakatulong sa paglilinis ng dugo, nag-aalis ng pagod at nagpapaganda ng hitsura.
Pero dahil sa maasim na lasa, kadalasang pinakukuluan ang mga plum kasama ng asukal o yellow rice wine bago kainin. Bukod dito, mayroon ding ibang mga produkto mula sa plum tulad ng sour plum drink, inatsarang plum, at alak na gawa sa plum. Ang plum ay isang mahalagang inuming pampalamig sa Tsina sa loob ng mahigt 4,000 taon.
Mainit ang klima tuwing panahon ng Butil sa Tainga, kaya naman ang pagkain ng mas maraming gulay at prutas ay rekomendado.
Samantala, mas mabuting huwag kumain ng sobrang mamantika at malasang pagkain sa panahon ng Butil sa Tainga.
Ang mga mainam na pagpipilian ay: ampalaya, kabute, kamatis, pipino, talong, kintsay, asparagus, melon, at strawberry. Ayon sa Tradisyunal na Medisinang Tsino, ang mga ito ay makakatulong sa pagpapababa ng sobrang init at magpapaganda ng panunaw ng katawan.
Ang mga magsasakang taga-Loutian, baranggay ng Dao County , Lunsod ng Yongzhou, lalawigang Hunan, Tsina habang namimitas ng kalabasa at talong sa taniman. Larawang kuha Hunyo 4, 2021.
Artikulo: Rhio Zablan
Content-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Larawan: CFP/IC
Source: Sarah/Jade
Ika-8 solar term ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino: Xiaoman, panahong puno ng kasiglahan
Kawili-wiling paniniwala, kagawian at pagkain sa panahon ng Li Xia – ang Simula ng Tag-init
Magandang tanawin, kawili-wiling kagawian at pagkain tuwing Chun Fen
Jing Zhe, hudyat ng muling paggising, ibayong pagsigla at abalang pagsasaka