Pinagtibay nitong Martes, Hulyo 13, 2021 ng ika-47 na Sesyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang resolusyong magkakasamang isinumite ng mga bansang Aprikano hinggil sa pagbibigay-dagok sa sistematikong rasismo.
Kinondena ng resolusyon ang sistematiko’t estruktural na rasismo at lahat ng mga porma ng pagtatanging panlahi.
Binatikos din nito ang tuluy-tuloy na pagtatanging panlahi at karahasan ng mga tauhan ng pagpapatupad ng batas na nakatuon sa mga Aprikano at inapong Aprikano.
Hiling ng resolusyon sa UNHRC na buuin ang isang pandaigdigang mekanismo ng nagsasariling dalubhasa, para mapasulong ang pagsasakatuparan ng katarungan at pagkakapantay-pantay ng iba’t ibang lahi.
Inihayag ni Jiang Duan, Ministro ng Permanenteng Misyon ng Tsina sa United Nations (UN) sa Geneva, na ang nasabing resolusyon ay nagtakda ng sistematikong agenda para sa pagbibigay-dagok ng komunidad ng daigdig sa sistematikong rasismo at pagtatanging panlahi, totohanang paggarantiya sa karapatang pantao ng mga Aprikano, inapong Aprikano, Asyano, inapong Asyano at mga katutubong mamamayan.
Salin: Vera
Pulido: Mac