Sa pamamagitan ng video link, dumalo at nagtalumpati ngayong araw, Hulyo 16, 2021, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Di-pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).
Tinukoy ni Xi, na sa harap ng maligalig na kalagayan ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at tunguhin ng kapayapaan at kaunlaran ng daigdig, ang kasalukuyang mga pinakamahalagang tungkulin ng APEC ay pananaig sa pandemiya, pagpapanumbalik ng paglaki ng kabuhayan, at pagpapasulong sa pagbangon ng kabuhayang pandagdig.
Kaugnay ng pandaigdigang kooperasyon sa paglaban sa pandemiya, sinabi ni Xi, na ipinagkaloob na ng Tsina sa ibang mga umuunlad na bansa ang mahigit 500 milyong dosis ng bakuna kontra COVID-19.
Aniya, sa loob ng darating na 3 taon, ipagkakaloob pa ng Tsina ang 3 bilyong Dolyares na pandaigdigang tulong para sa paglaban sa pandemiya.
Dagdag ni Xi, magbibigay-pondo rin ang Tsina sa APEC, para buuin ang sub-fund para sa paglaban sa COVID-19 at pagbangon ng kabuhayan.
Sa aspekto naman ng rehiyonal na integrasyong pangkabuhayan, tinukoy ni Xi, na dapat pasulungin ang liberalisasyon at pasilitasyon ng kalakalan at pamumuhunan, at pangalagaan ang multilateral na sistemang pangkalakalan na ang nukleo ay World Trade Organization.
Aniya pa, inaprobahan na ng Tsina ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP). Umaasa aniya siyang pormal itong magkakabisa sa loob ng taong ito.
Pagdating naman sa inklusibo at sustenableng pag-unlad, ipinahayag ni Xi ang pagpapahalaga ng Tsina sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Sinusuportahan aniya ng Tsina ang pagpapalakas ng APEC ng kooperasyong pangkabuhayan at panteknolohiya, pagpapasulong ng mga episyente at malinis na enerhiya, pagbibigay-tulong sa pag-unlad ng mga maliit at katamtamang-laking bahay-kalakal, at iba pa.
Nang mabanggit naman ang inobasyong pansiyensiya at panteknolohiya, umaasa si Xi, na magtutulungan ang iba't ibang panig para sa pagpapaunlad ng digital economy.
Aniya pa, idaraos ng Tsina ang talakayan tungkol sa pagpapalakas ng kakayahan sa digital economy, at pasusulungin ang kooperasyon ng pagbibigay-tulong ng digital technology sa pagbangon ng turismo.
Binigyang-diin din ni Xi, na bubuuin ng Tsina ang bagong sistema ng bukas na kabuhayan sa mas mataas na antas, lilikhain ang mas kaakit-akit na kapaligirang pang-negosyo, at pasusulungin ang mas de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road.
Bilang panapos, ipinahayag niya ang lubos na kompiyansa sa pagdaig ng buong mundo sa pandemiya, pagbangon ng kabuhayang pandaigdig, at paglikha ng mas magandang kinabukasan ng sangkatauhan.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos