Upang patuloy na maisulong ang turismo ng Pilipinas sa mga Tsino, at mahikayat ang mga turista mula sa lunsod Xi'an, lalawigang Shaanxi, gawing gitna ng Tsina, lumahok sa kauna-unahang pagkakataon ang Philippine Department of Tourism – Beijing Office (PDOT-Beijing) sa Xi'an Silk Road International Tourism Expo.
Ayon kay Dr. Erwin Balane, Tourism Attache ng PDOT-Beijing,“ibinabahagi ng PDOT ang mga bagong produkto ng bansa para sa bagong normal, sakaling magbukas na ang pintuan ng Tsina at Pilipinas para sa negosyo ng turismo.”
“Sa kasalukuyan, nagkaroon ng malaking pagbabago ang preperensiya at ekspektasyon ng mga turista dahil sa pandemiya, at nakita natin ang malaking kagustuhan ng mga ito sa“adventure and outdoor activities” sa susunod na mga taon,” dagdag niya.
Dr. Erwin Balane habang nakikipag-usap sa isang bisita
Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Balane na, sa larangang ito“ay may malaking bentahe ang Pilipinas dahil sa ibat-ibang katangian ng mga produktong panturismo na pwedeng ibenta sa ibat-ibang uri ng turista.”
Philippine booth at ang patalastas para sa mga potensyal na turista
Pero, binigyang-diin niyang ang pokus ng produktong panturismo ng Pilipinas“ay dapat matatag (resilient), inklusibo (inclusive), inobatibo (innovative), sustenable (sustainable), nakaka-engganyo (engaging), at higit sa lahat, nagbibigay-importansiya sa kalusuguan at kaligtasan, upang mailayo ang mga komunidad sa impeksyon ng pandemiya.”
Aniya, noong nakaraang taon, natanggap ng Pilipinas ang“Safe Travels Stamp”mula sa World Travel and Tourism Council (WTTC), at ito ang kauna-unahang“hygiene stamp”na ginawa para maibalik ang kumpiyansya ng mga turista sa mga destinasyong gusto nilang mabisita.
Paliwanag ni Dr. Balane, sa ngayon ay pinag-a-aralan na ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapatupad ng“Green Lanes” para mapadali ang pagbiyahe ng mga turistang nakatanggap na ng kumpletong dosis ng bakuna, upang maipagpatuloy ang kanilang pagnenegosyo at pagbabakasyon sa Pilipinas.
Ang inisyatibo aniya ng“Green Lanes”ay magtataguyod ng kumpiyansa, hindi lamang para sa mga Pilipino, kundi para na rin sa mga turista mula sa ibat ibang bansa at ganoon din sa mga lokal na komunidad upang mabigyan ng daan ang pagpapanumbalik ng negosyo ng turismo.
Booth ng Pilipinas sa Xi'an Silk Road 2021 Expo habang binibisita ng maraming potensyal na turistang Tsino
Ang Xi'an Silk Road International Tourism Expo ay ginaganap tuwing taon sa Xi'an Convention Center, lunsod Xi'an, lalawigang Shaanxi, gawing gitna ng Tsina.
Ito ay dinadaluhan ng ibat-ibat bansa mula sa Asya at Europa para maipagmalaki ang kani-kanilang destinasyon sa merkado ng Tsina.
Ang ekspo ngayong taon ay pormal na binuksan noong Hulyo 16 at nagtapos noong Hulyo 18, 2021.
Ang 2021 ay ang ika-6 na taon nang pagdaraos ng Xi'an Silk Road International Tourism Expo.
Ulat: Rhio Zablan
Content-edit: Jade
Web-edit: Jade/Sarah
Photo courtesy: PDOT-Beijing