Balik-sigla na ang turismo sa Tsina. Pinatunayan ito ng sobrang dami ng mga namasyal sa loob ng limang araw na May Day holiday na tumagal mula Mayo 1 hanggang 5.
Ayon sa Ministri ng Kultura at Turismo, umabot sa 230 milyon ang domestikong pagbiyahe. Tumaas ito ng 119.7% kumpara noong isang taon. Samantala umabot ang kita sa 113.23 bilyong yuan (US $17.5 bilyon) o tumaas ng 138.1% kumpara noong 2020.
Dahil kontrolado na ang pandemiya ng COVID-19 sa Tsina at maraming mga tao ang nabakunahan na, ang May Day holiday ay naging magandang pagkakataon para madalaw ang mga kapamilya, magtipun-tipon at mamasyal sa iba’t ibang probinsya. Marami ang nasabik sa pamamasyal dahil noong Chinese New Year, pinayuhan ang lahat na‘wag munang magbiyahe para pigilang maganap ang bagong insidente ng malawakang transmisyon.
Kuwento ni Lampel Joy Solis, guro sa Ivy Academy Beijing, gaya ng marami, di niya mapigilan ang kati ng pagbiyahe. Sinamantala ni Lampel ang bakasyong nagsimula noong Labor Day.
Ibinahagi niyang noong ika-isa ng Mayo, pumasyal siya sa Bundok Yunmeng sa Miyun county, Beijing kasama ang kanyang mga matalik na kaibigan. Umupa sila ng sasakyan papunta at pabalik.
“Nakakapagpagaan sa kalooban ang maging malapit sa kalikasan. Ang paborito ko ay yung salu-salo namin sa tabi ng ilog at pagkakataong maramdaman ang lamig ng tubig sa talon,” balik-tanaw ni Lampel.
Si Lampel sa Heilongtan, Bundok Yunmeng
Dagdag niya, ang panahon ng Mayo sa Beijing ay komportable sapagkat tama lamang ang lamig at init ng panahon. Kaunti rin lang ang mga turista at magaan ang daloy ng trapiko.
“Lahat ng pagod ay sulit sapagkat napakaganda ng tanawin at napakasaya ng barkadahan,” saad pa ni Lampel.
Kung ang biyahe sa Bundok Yunmeng ay“Do-It-Yourself”ang sumunod na biyahe ni Lampel sa Inner Mongolia ay sa pamamagitan ng isang tour group.
Aniya nasaksihan ng grupo ang malawak na Ulanhanda Sumu kung saan umakyat sila ng bulkan. Kinabukasan, sa Disyerto ng Kubuqi sumakay siya sa kamelyo at nagpadulas sa buhangin.
Si Lampel sa Disyerto ng Kubuqi
Sa kauna-unahang pagkakataon sumakay din siya ng kabayo sa Xilamuren Grassland. “Kinabahan ako sa pagsakay sa kabayo sapagkat wala akong karanasan nito. Napakasaya ng pakiramdam pagkatapos malampasan ang pagsubok at magkaroon ng bagong karanasan.”
Di rin malilimutan ang mainit na pagtanggap ng mga lokal na mamayan sa Inner Mongolia.
Masaya nilang ibinahagi ang kanilang kultura at masarap na mga pagkain gaya ng“hot-pot,” inihaw na tupa, yoghurt at lokal na alak.
Suot ang tradisyonal na kasuotan ng Inner Mongolia
Tirahan sa Inner Mongolia
Kung todo enjoy si Lampel sa pagliliwaliw sa Inner Mongolia, si Pecci Escobin, Second Secretary ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina, ay piniling sa Beijing na lang palipasin ang bakasyon.
Si Pecci Escobin
Ang“travel itch,”ay di niya pinatulan dahil sa hindi magandang karanasan ng isang katrabaho nang minsang magbiyahe sa kasagsagan ng May Day holiday.
Kuwento ni Pecci, ang mga lugar na pinuntahan ng kaibigan ay sobrang siksikan. Mahirap gumalaw at hindi masaya ang karanasan sa lugar. Dahil sa pag-aalala na maranasan ang katulad na situwasyon, hindi na itinuloy ni Pecci ang planong pumunta sa Inner Mongolia.
“Naisip namin na baka masyadong maraming tao at mahirapan lang kami. Baka sa halip na matuwa kami, kunsumisyon lang abutin namin,” sabi niya.
“Retail therapy" ang kinauwian ng kaniyang bakasyon.
“Nagpunta na lang kami sa Yansha Outlets at Aegean Mall. Wala namang masyadong tao sa dalawang lugar. Sa Aegean Mall, kung saan nandoon ang BIGOFFS clothing store. Nakita ito ng isa naming kasamahan sa Tik-Tok. Na-curious kami kaya pinuntahan namin. Magandang pasyalan ng mga bata ang labas ng Mall,”kuwento niya.
“The travel itch is constantly in me,” masayang ibinahagi naman ni Riza De Guzman na taga-Ningbo, Zhejiang.
Si Riza De Guzman
Siya raw ang tipo ng tao na di mapakali sa isang lugar. Pero kahit di na mahigpit ang travel restrictions, nag-alangan pa ring lumayo sa Zhejiang si Riza.
Sa pamamagitan ng tour group, nag-camping si Riza sa tuktok ng Kuocang Mountain sa Pan’An, Jinhua. Naglakad sa pinakamahabang cantilevered glass-bottomed skywalk sa mundo ayon sa Guiness. Namasyal din siya sa Jiangnan Great Wall sa Linhai, Taizhou.
Ang pinakamahabang cantilevered glass-bottomed skywalk sa mundo na makikita sa Pan'An, Zhejiang.
Inamin ni Riza na may ilang lugar na kanyang pinuntahan na sobrang matao, siksikan at maingay. Di aniya niya kinaya ang bungguan ng mga tao.
Pero, kapalit naman ng mga ito ng kagandahan ng kalikasan.
Sa buong bakasyon hindi-hindi niya malilimutan ang camping sa itaas ng Sunrise Mountain. Kilalang-kilala ito sa Zhejiang dahil sa makapal na dagat ng ulap at tanawin ng bukang-liwayway.
“Mas binigyang halaga ko ang nakamamanghang kagandahan ng kalikasan dahil sa tanawing ito. Parang mga isla sa gitna ng dagat ng ulap ang mga bundok sa malayo,”ani Riza.
Ibinida rin ni Riza ang“glamping”sa naturang bundok at bonus talaga ang kumportableng tulugan na futuristic snow-globe type.
Napakahalaga talaga ng pagbabakasyon.
Ang Araw ng Paggawa at ang sumunod na May Day holidays ay pagkakataon ani Pecci para mag-recharge at mag-relax. Sa pananaw ni Riza, mas pinahalagahan niya ang mga maliliit pero mahalagang bagay sa buhay gaya ng pagkamangha sa inang kalikasan. At si Lampel naman matapos pilitin ang sariling pisikal na kakayahan, nagawa ang bagong di malilimutang karanasan.
Ulat: Machelle Ramos
Content-edit: Jade/Mac
Web-edit: Jade/Vera
Larawan/Video: Lampel, Pecci, Riza
Espesyal na pasasamalat kay Frank Liu Kai
Chai Roxas: Wuhan balik-normal, disiplina at bayanihan susi laban COVID-19
Pagdalaw sa isang Pamilya Tsino para makisaya sa Spring Festival
Pagbabakuna sa mga dayuhang nasa Tsina, patuloy; kabilang ang estudyante't gurong Pinoy
[Video] Pagbati para sa Chinese New Year ng mga Pinoy sa Tsina
Online platforms ng Tsina, malaking potensyal para sa EntrePinoys sa panahon ng pandemya
(Video) Lampel Solis, ibinahagi ang kahalagahan ng Mindfulness sa panahon ng COVID-19 pandemic
Lampel Joy Solis : Paglikha ng mga Awit, paraan ng paghihilom
LAMPEL JOY SOLIS : Kindermusik + Talentong Pinoy = Masayang Klase