Pagluluto ng sisig habang pinapanood ng mga panauhin at opisyal-Pilipino
Tinaguriang“Wake Up to the Flavors of the Philippines,”pinangunahan kamakailan ng Department of Tourism – Beijing Office (DoT-Beijing) ang isang pagtitipon sa Embahada ng Pilipinas sa lunsod noong Miyerkules, Hunyo 30, 2021, upang ipakilala ang mga rehiyonal na pagkaing Pilipino sa mga kaibigang Tsino at mga media ng Tsina.
Kabilang sa mga pagkaing inihanda ay: Lumpiang Sariwa (ubod), Ensaladang Manggang may Bagoong, Sinigang na Bangus at Hipon, Sisig, Bicol Express, Bistek Tagalog, Pinakbet, Kalamay-Kamoteng Kahoy, Ginataang Bilu-bilo.
Mga panauhin at opisyal-Pilipino habang nagsasalu-salo
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Konsul Heneral Dinno M. Oblena, na kahit apektado ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), hindi tumitigil ang DoT sa paglulunsad ng mga proaktibong estratehiya upang maipagpatuloy ang kamalayan at pangangailangan ng kapuwa domestiko at internasyonal na merkado sa mga destinasyong panturista ng Pilipinas.
Konsul Heneral Dinno M. Oblena habang nagtatalumpati
Ito aniya ay bahagi ng pagpupunyagi ng DoT upang umahong“mas malaki, mas mabuti, at mas pleksible”mula sa pandemiya.
Dagdag niya, ang pagbibigay-pansin ng DoT sa food tourism ay may napakagandang dahilan, sapagkat ito ay hindi maihihiwalay na bahagi ng industriya ng pagbibihaye.
Marami aniyang turista ang dumadalaw sa ibat-ibang bansa dahil gusto nilang matikman ang ibat-ibang putahe ng pagkaing maaaring i-alok ng mga bansang kanilang nais puntahan.
Sa katunayan, ayon sa United Nations World Tourism Organization (UNWTO) mga 33% ng gastos ng pandaigdigang turismo ay napupunta sa pagkain.
Samantala, ayon naman sa World Food Travel Association (WFTA), pinipili ng mahigit 7 sa 10 biyahero ang kanilang destinasyon base sa kalidad ng pagkain at inumin, dagdag ni Oblena.
Kaugnay nito, sinabi niyang ipinagmamalaki ng Pilipinas ang masigla at kapana-panabik na tagpo sa halos lahat ng mahigit 7,000 isla nito, kaya naman napakahalagang ipakilala ang mga pagkaing Pilipino sa mga kaibigang Tsino at buong mundo.
Ang mga Pilipino ay mahilig kumain, at ang pagkain ay di-maihihiwalay na bahagi ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino, saad pa ni Oblena.
Sa kanya namang hiwalay na mensahe, ipinaabot ni Tourism Attaché Erwin Balane, PhD ang taos-pusong pasasalamat sa mga panauhing dumalo sa pagtitipon.
Dr. Erwin Balane
Aniya, kahit nananatili pa rin ang mga restriksyon sa pagbibiyahe dahil sa COVID-19, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DoT-Beijing sa mga kaibigang Tsino upang maipabatid na handang-handa ang Pilipinas upang tanggapin ang mga turistang Tsino, sa sandaling muling magbukas ang mga hanggahan.
Samantala, patuloy aniya ang eksplorasyon ng DoT upang humanap ng mabubuting paraan upang maipasilita ang dahan-dahang pagbangon ng industriya ng turismo ng Pilipinas, habang ipinagpapatuloy ang pagpapataas ng kamalayan ng mga kaibigang Tsino hinggil sa mga destinasyong panturista ng bansa.
Kabilang dito aniya ay unti-unting pagbubukas ng mga destinasyong panturista sa mga lokal na biyahero, pagsusulong ng inokulasyon ng mga manggawang panturismo, at pagpapakilala ng mga destinasyon kasabay ng kampanya ng kaligtasan kontra pandemiya.
Ipinagmalaki ni Balane, na sa susunod na 2 taon, ipoposisyon ng Pilipinas ang mga destinasyon nito bilang “ligtas, masaya, at kompetitibo.”
Ito aniya mag-uugat sa matatag na pakikipagtulungan sa mga lokal na komunidad at mga biyahero.
Optimistiko ang DoT, na sa lalong madaling panahon, lilipas at mawawala ang pandemiya, at sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pribadong sektor at gobyerno, ang turismo ng Pilipinas ay babangon na “mas malaki, mas mabuti, at mas pleksible,” pahayag ni Balane.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng mga personahe mula sa industriya ng pagbibiyahe ng Tsina, kaibigang Tsino at media.
Ang mga pagkain naman ay inihanda ng Pilipino Chef na si Aristotle Mendoza ng El Mercadito Restaurant.
Narito po ang dalawang video hinggil sa pangyayari.
Ulat: Rhio Zablan
Edit: Jade
Photo courtesy: Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing; Dr. Erwin Balane