Tianjin, Tsina—Nakipagtagpo nitong Lunes, Hulyo 26, 2021 si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, kay Wendy Sherman, Pangalawang Kalihim ng Estado ng Estados Unidos.
Saad ni Wang, sa kasalukuyan, nahaharap ang relasyong Sino-Amerikano sa malubhang kahirapan at hamon. Kailangang mataimtim na pag-isipan at piliin ng panig Amerikano ang susunod na hakbang sa direksyon ng bilateral na relasyon, kung tutungo ba ito sa sagupaan at komprontasyon, o pabubutihin at pauunlarin ito.
Aniya, ipinagpapatuloy sa kabuuan ng bagong pamahalaang Amerikano ang labis at maling patakaran sa Tsina ng dating pamahalaan, walang humpay na hinahamon ang bottom line ng Tsina, at pinag-iibayo ang paninikil sa Tsina. Buong tatag na tinututulan ito ng panig Tsino, dagdag niya.
Tinukoy ni Wang na upang kontrulin ang mga umiiral na alitan ng kapuwa panig, at pigilan ang ibayo pang paglala, o pagkawala ng kontrol sa relasyong Sino-Amerikano, nilinaw ng panig Tsino ang sumusunod na tatlong bottom line:
Una, hindi dapat hamunin, dungisan, o tangkaing wasakin ang landas at sistema ng sosyalismong may katangiang Tsino. Ito aniya ang nukleong kapakanang dapat igiit ng panig Tsino.
Ika-2, hindi dapat tangkaing hadlangan, maging putulin ang prosesong pangkaunlaran ng Tsina.
Hinimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na alisin sa lalong madaling panahon ang lahat ng mga unilateral na sangsyon, mataas na taripa, long arm jurisdiction at blokeyong pansiyensiya’t panteknolohiya na ipinataw nito sa Tsina.
At ika-3, hindi dapat panghimasukan ng Amerika ang soberanya ng Tsina, at higit sa lahat, hindi dapat sirain ang kabuuan ng teritoryo ng Tsina.
Sa mula’t mula pa’y ang mga isyung may kinalaman sa Xinjiang, Tibet, at Hong Kong ay hindi mga isyu ng karapatang pantao at demokrasya, sa halip, ang mga ito ay mahahalagang isyu ng pagtutol sa pagsasarili ng Xinjiang, Tibet at Hong Kong. Hinding hindi pahihintulutan ng anumang bansa ang pagpinsala sa soberanya at seguridad ng bansa.
Hinimok din ng panig Tsino ang panig Amerikano na sundin ang pangako sa isyu ng Taiwan.
Inihayag naman ni Sherman ang kahandaan ng panig Amerikano na patuloy na isagawa ang matapat na pakikipag-ugnayan at pakikipagdiyalogo sa panig Tsino.
Inulit din niyang iginigiit ng Amerika ang patakarang Isang Tsina, at hindi sinusuportahan ang pagsasarili ng Taiwan.
Salin: Vera
Pulido: Mac