Mariing ipinahayag ang kawalang-kasiyahan at matatag na pagtutol ng panig Tsino sa pagpapatibay ng Senado ng Amerika ng panukala hinggil sa muling pagsali ng Taiwan sa World Health Organization (WHO) nitong Huwebes, Agosto 12, 2021.
Noong ika-6 ng Agosto, habang kaunti lamang ang nakadalong senador, sinuri at pinagtibay ng Mataas na Kapulungan ng Amerika ang mosyong humihiling sa Kalihim ng Estado ng Amerika na itakda ang estratehiya, upang tulungan ang Taiwan na muling makuha ang katayuan bilang tagamasid ng WHO, sa pamamagitan ng umano’y “unanimous consent.”
Kaugnay nito, sinabi ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang pagpapatibay ng nasabing panukala ay purong manipulasyong pulitikal ng iilang pulitikong kontra Tsina.
Aniya, ang panukalang ito ay malubhang lumalabag sa prinsipyong Isang Tsina at mga tadhana ng tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika, grabeng tumataliwas sa pandaigdigang batas at pundamental na simulain ng relasyong pandaigdig, at tahasang nakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina.
Dagdag ni Hua, ayon sa kaukulang resolusyon ng Pangkalahatang Asambleya ng United Nations at World Health Assembly, ang pagsali ng Taiwan sa mga aktibidad ng WHO ay dapat umayon sa prinsipyong Isang Tsina.
Lubos na pinahahalagahan aniya ng pamahalaang sentral ng Tsina ang kalusugan at biyaya ng mga kababayang Taiwanes, at ginawa na ang angkop na pagsasaayos sa pagsali ng Taiwan sa mga pandaigdgang suliraning pangkalusugan, sa paunang kondisyon ng pagsunod sa one-China principle.
Salin: Vera
Pulido: Mac