Ayon sa ulat kamakalawa ng media ng Hapon, napagpasiyahan ng pamahalaan ng bansa at Tokyo Electric Power Company (TEPCO) na maglatag ng tunnel sa ilalim ng dagat para ilabas sa malapit na karagatan ang radioactive water mula sa Fukushima nuclear power plant.
Kung totoo ang naturang impormasyon, ito ay isang delikadong kapasiyahan na siguradong makakapinsala sa kalusugan ng mga mamamayan at kapaligiran ng dagdig, sa kabila ng mariing pagtutol mula sa loob at labas ng bansa.
May karapatan ang mga kapitbansa, maging ang lahat ng mga bansa sa paligid ng karagatan, na humingi ng bayad-pinsala mula sa pamahalaang Hapones.
Kailangang mapagtanto ng panig Hapones na hindi lamang isyung panloob ang pagdidiskarga ng kontaminadong tubig ng Fukushima nuclear power plant.
May mahigpit itong kaugnayan sa kalusugan ng mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa at kaligtasan ng kapaligirang pandagat ng buong mundo.
Bago makipagkonsultasyon ang panig Hapones sa iba’t-ibang may kinalamang panig at mga pandaigdig na organisasyon at marating ang komong palagay, hindi ito dapat magbuhos ng radyoaktibong tubig sa karagatan.
Alinsunod sa artikulo 235 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), responsable ang lahat ng mga kasaping bansa sa pagtupad ng kanilang obligasyong pandaigdig para protektahan at ipreserba ang kapaligirang pandagat.
Dapat silang managot sa naturang tungkulin ayon sa pandaigdig na batas, daigdag pa ng naturang artikulo.
Bilang signataryang bansa ng UNCLOS, hindi dapat ipagkaila ng Hapon ang pandaigdig na responsibilidad.
Kung hindi, haharapin nito ang mabangis na pagbatikos ng komunidad ng mundo at bigat ng kaparusahan ng katarungan.
Salin: Jade
Pulido: Rhio