Pinapalakas na relasyong Sino-Pilipino, inaasahan ng mga pangulo ng dalawang bansa

2021-08-27 23:52:15  CMG
Share with:

Nag-usap sa telepono ngayong araw, Agosto 27, 2021, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas.

 

Tinukoy ni Xi, na nitong ilang taong nakalipas, napabuti at napalakas ang relasyong Sino-Pilipino, at itinaas noong 2018 ang relasyong ito sa lebel ng komprehensibo at estratehikong kooperasyon. Ito aniya ay nagdudulot ng mga aktuwal na benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa, at nagbibigay din ng mga positibong elemento sa rehiyonal na kapayapaan at katatagan.

 

Dagdag ni Xi, lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang relasyon sa Pilipinas, at sinusuportahan ang Pilipinas sa pagsasagawa ng nagsasariling patakarang diplomatikong pangkapayapaan. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng Pilipinas, na palalimin ang pagkakaibigan at pagtitiwalaan, at igarantiya ang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa sa tumpak na landas.

 

Binigyang-diin ni Xi, na patuloy na makikipagtulungan ang Tsina sa Pilipinas sa paglaban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), at magbibigay hangga't maaarin ng suporta at tulong sa Pilipinas.

 

Sinabi rin niyang, mabunga ang pag-uugnayan ng Belt and Road Initiative ng Tsina at Build Build Build ng Pilipinas. Nakahanda ang Tsina, kasama ng Pilipinas, na isagawa ang mas maraming proyektong pangkooperasyon, para lalo pang makinabang ang kani-kanilang mga mamamayan sa kooperasyong Sino-Pilipino, saad ni Xi.

 

Binati naman ni Duterte ang ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Tsina, at hinahangaan niya ang pag-ahon ng mahigit 800 milyong Tsino mula sa karalitaan.

 

Sinabi ni Duterte, na nitong nakalipas na limang taon, sinimulan ng Pilipinas at Tsina ang bagong panahon ng komprehensibo at estratehikong kooperasyon. Aniya, sa harap ng pandemiya, dumaan ang relasyon ng dalawang bansa sa mga pagsubok, lumaki ang bilateral na kooperasyong pangkabuhayan, at naipapakita ang tunay na pagkakaibigan sa panahon ng kahirapan.

 

Dagdag ni Duterte, pinasasalamatan ng Pilipinas ang Tsina sa pagbibigay ng mga tulong na kinabibilangan ng mga bakuna. Umaasa siyang palalakasin ng dalawang bansa ang kooperasyon laban sa pandemiya.

 

Tinatanggap aniya ng Pilipinas ang mas maraming pamumuhunan ng Tsina sa mga proyekto ng konstruksyon ng bansa, at inaasahan ang mas malaking bunga ng pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa sa imprastruktura, agrikultura, at iba pa.

 

Ipinahayag din ni Duterte, na hindi gagawin ng Pilipinas ang mga bagay sa heopulitika na makakapinsala sa mga kapakanan ng Tsina, at aktibo nitong pasusulungin ang relasyon ng Tsina at ibang mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations.

 

Editor: Liu Kai

Please select the login method