Unang pangkat ng libreng Sinopharm vaccines na kaloob ng Tsina sa Pilipinas, dumating

2021-08-21 12:00:43  CMG
Share with:

Unang pangkat ng libreng Sinopharm vaccines na kaloob ng Tsina sa Pilipinas, dumating_fororder_111111

 

Dumating kahapon ng hapon, Agosto 20, 2021, ng Maynila, ang 739,200 dosis ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na gawa ng Sinopharm ng Tsina.

 

Ito ay bahagi ng karagdagang isang milyong dosis ng libreng bakunang ipinagkaloob ng Tsina sa Pilipinas, pagkaraan ng naunang isang milyong bakuna ng Sinovac na inihatid sa Pilipinas noong nagdaang Pebrero 28.

 

Darating din mamayang hapon ng Maynila ang nalalabing bahagi ng naturang mga bakuna.

 

Sa video teleconference bilang pagtanggap sa bakuna na nilahukan nina Embahador Huang Xilian ng Tsina sa Pilipinas at Kalihim Francisco Duque III ng Kagawaran ng Kalusugan, ipinarating ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahalaga ang mga ito para sa paglaban ng Pilipinas sa COVID-19.

 

Dagdag niya, ang mga tulong ng Tsina sa Pilipinas sa panahon ng pandemiya na kinabibilangan ng mga bakuna, materyal na medikal, at teknikal na tulong, ay nagpapakita ng mabuting hangarin ng pamahalaang Tsino at malakas na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

 

Sa pamamagitan ni Embahador Huang, nais ding iparating ni Duterte ang pasasalamat kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina para sa pinakahuling donasyong ito.

 

Sinabi naman ni Huang, na patuloy na makikipagkooperasyon ang Tsina sa Pilipinas, at magkakaloob ng karagdagang mga bakuna, para tulungan ang bansa sa pananaig ng COVID-19 at pagbangon ng kabuhayan.

 

Sa kasalukuyang mahirap na panahon ng pandemiya, lubos na ipinakikita ang kahalagahan ng pagkakaibigan at pagiging magkatuwang ng Tsina at Pilipinas at mga mamamayan ng dalawang bansa, diin din niya.

 

Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos

Please select the login method