Tuwing Agosto ipinagdiriwang sa Pilipinas ang Buwan ng Wikang Pambansa. Sa pamamagitan nito, kinikilala ang kahalagahan ng wika bilang mahalagang kasangkapan sa komunikasyon, unawaan, pagkakaisa at pambansang kaunlaran.
Sa Tsina, mayroong tatlong pamantasan ang nag-aalok ng programa sa pagtuturo ng wikang Filipino: Peking University (PKU), Yunnan Minzu University (YMU) , at Beijing Foreign Studies University (BFSU).
Kinapanayam ng China Media Group Serbisyo Filipino ang mga guro mula sa YMU at BFSU, dalawang pamantasan na nagbukas ng bagong Batsilyer ng Arte (BA) sa Filipino at Philippine Studies at nakapagpatapos ng unang batch ng mga estudyante nitong nagdaang Hulyo.
Si Wang Yu (hawak ang mga bulaklak), guro ng wikang Filipino sa YMU, kasama ng kanyang mga estudyanteng nagtapos Hulyo, 2021
Sina Dr. Huo Ran (naka-blusang purple sa unang hanay) at Dr. Xu Hanyi (ika-4 sa kaliwa sa unang hanay), guro ng wikang Filipino sa BFSU, kasama ng kanilang mga estudyanteng nagtapos Hulyo, 2021
Sa loob ng apat na taon, sa kabila ng pagsubok at hamon, magkakasama at magkakasabay na yumabong ang kakayahan at kaalaman ng kapwa guro at mag-aaral sa naturang dalawang pamantasan.
Mga hamon at pagsubok sa unang pagsabak sa pagtuturo
2017 binuksan sa YMU ang una at tanging programang Filipino sa katimugan ng Tsina.
“Nagtrabaho ako sa YMU simula noong 2017 at ang mga unang batch na siyam na estudyante ay ang mga unang estudyante ko,” ani Wang Yu, guro ng Filipino sa YMU.
Balik tanaw niya,“Puno ng hamon ang prosesong ito kasi magkakaiba ang kaisipan, kahiligan at kaugalian sa pag-aaral ng mga estudyante.”
Sa ilalim ng Memorandum of Understanding na pinirmahan ng YMU at UP noong 2018, nakapag-aral sa UPD ang unang batch ng wikang Filipino ng YMU bilang mga exchange student noong 2019 sa loob ng 2 semestre.
Hindi rin biro ang pagsisimula ng isang bagong departamento sa BFSU, ani Dr. Huo Ran.
Nangalawang din siya sa pagsasalita ng Filipino dahil kulang sa pagsasanay at mahaba ang panahong inilaan sa post-graduate studies.“Parang nag-aral uli ako ng wikang Filipino kasama ang mga estudyante ko,”kwento ni Dr. Huo.
Dahil di gaanong“sikat”na lenggwahe ang Filipino, naging malaking pagsubok ito sa mga guro. Paliwanag ni Dr. Huo, “Maaaring sabihin na isang nakakabawas ng motibasyon ko sa pagtuturo ay ang kulang na motibasyon ng mga estudyante. Hindi lang ito makikita sa kurso namin, makikita rin sa isang kurso na less commonly taught language. Kulang sa motibasyon ang ilang mga estudyante dahil mukhang limitado ang mga job vacancies.”
Si Dr. Huo (naka-blusang pink), kasama ng mga estudyante sa silid-aralan, larawang kuha noong 2019
Sina Ariel Diccion (gitna sa nakaupo), guro ng Kagawaran ng Filipino ng AdMU, Dr. Huo at Dr. Xu, kasama ng mga estudyante, larawang kuha noong 2019
Sa YMU, kaunti lamang ang nag-aaral ng programang Filipino nang kusang-loob at karamihan sa kanila ay inilagay ng unibersidad sa programang Filipino dahil hindi nakapasok sa programang gusto nila.
Paano nga ba itataas ang interes at bibigyan ng motibasyong aralin ang dayuhang wika?
Ayon kay Bb. Wang,“Minsan kailangang ulitin nang ulitin ang mga itinuro sa klase. Minsan naramdaman kong wala akong itinuro sa kanila at nabigo ako. Kung ganoon, kailangan kong iangkop ang aking inaasahan sa kanila. Sa pakikipag-usap ko sa kanila, nagsisikap akong maunawaan kung ano ang kanilang mga inaasahan sa pag-aaral sa kolehiyo. Iniangkop din ang pamamaraan at itinuro ko sa klase at ang aking inaasahan sa kanila.”
Sa loob ng apat na taon, sabay-sabay na sumulong at lumago kapwa ang guro at mag-aaral sa naturang dalawang pamantasan.
Bagong kabanata ng kapuwa mga guro at mag-aaral
Nagtapos kamakailan ang mga estudyante sa programang Philippine Studies at Filipino Language ng YMU at BFSU.
Sa labing-apat na estudyante ng BFSU, ang dalawa ay kukuha ng Master's Degree sa Philippine Culture and Society. Ang ilan sa kanila ay pupunta sa larangan ng diplomacy, media at edukasyon na may kinalaman sa Pilipinas.
Saad ni Dr. Huo, nangangahulugan itong gagamitin nila ang wikang Filipino sa trabaho nila sa malapit na hinaharap.“Kahit sa aling larangan, sila ay mag-aambag sa pagkikipag-unawaan sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa,” dagdag pa niya.
Ang unang batch ng mga estudyante ng wikang Filipino ng BFSU bilang freshmen noong 2017 at bagong graduate sa 2021
Samantala, may mga nagtapos naman mula sa YMU na ngayon ay nagtatrabaho sa ilang kumpanyang Tsino bilang propesyunal sa Filipino tulad ng mga kompanya ng teknolohiya, kalakalan, pagmimina at nobela.
Sinisimulan na nila ang bagong kabanata sa kanilang buhay. Habang ang mga guro naman ay may kipkip na aral mula sa kabanatang nakalaan sa unang pagsabak sa pagtuturo.
Ibinahagi ni Wang,“Kung magkaroon ng isang makabuluhang pag-uusap sa loob ng klase, o kung ibahagi nila ang mga nangyari sa kanila o tinanong ang opinyon ko, o kung mahanap nila ang magandang trabaho gamit ang wikang Filipino, naramdaman kong talagang nakatutulong ako sa kanila hindi lamang sa pag-aaral kundi pati sa mga mahalagang desisyon sa buhay. Sa palagay nila, hindi ako guro. Ate at mahalagang kaibigan ako sa kanila. Ito ang kaligayahan ko bilang guro sa kanila.”
Si Wang Yu (naka-paldang itim), kasama ng mga estudyante sa silid-aralan, larawang kuha 2021
Bagong simula sa bagong semestre
Magbubukas na muli ang mga pamantasan sa Setyembre. Sasalubungin ang bagong mga estudyante ng Filipino. Ibinahagi ng ating kinapanayam ng mga guro ang kanilang balak
Saad ni Dr. Huo, “Para sa susunod na batch siguro mas may karanasan kami. Pero mayroon ding hamon, halimbawa, siyempre, naapektuhan kami ng pandemiya. Baka hindi maaaring pumunta ang Filipino teacher o wala silang oportunidad na pumunta sa Pilipinas. Kailangan naming harapin ang di-katiyakan. Tapos may dalawang bagong MA student kami. Mahirap din magdisenyo ng kanilang mga courses, first time din. Gusto naming mapalalim ang kanilang pagkaunawa ng Philippine Culture & Society sa pagbabasa ng mga academic books & papers para gumawa sila ng sariling pananaliksik.”
Samantala, mas tech-based at student oriented ang diskarte ni Teacher Wang.
“Gagawa ako ng mga proyekto kasama ng mga estudyante ko tulad ng pagtatag ng official account ng programang Filipino ng YMU sa Wechat, Bilibili at TikTok. Ibabahagi namin ang mga kaalaman tungkol sa Pilipinas, Filipino at pag-aaral natin sa YMU. Idinagdag ko rin ang presentation ng mga estudyante sa klase ko upang maging mas mahusay sila sa pagsulat at pagsasalita sa wikang Filipino.”
Ano ba ang papel ng wika sa ugnayan ng Tsina at Pilipinas? Sagot ni Dr. Huo Ran,“Malaki ang papel nito para sa mas magandang diplomatic relations.”
Susog ni Wang Yu,“Kinakailangan ito upang magkaroon ng tunay na pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Tsino at Pilipino at ng pagkakaibigan ng mga tao.”
Ulat: Machelle Ramos
Content-edit: Jade/Mac
Web-edit: Jade/Vera
Larawan: BFSU at YMU Philippines Studies Program
Turismo sa Tsina, balik-sigla; Bakasyon, sinulit ng mga Pinoy
Chai Roxas: Wuhan balik-normal, disiplina at bayanihan susi laban COVID-19
Pagbabakuna sa mga dayuhang nasa Tsina, patuloy; kabilang ang estudyante't gurong Pinoy
Mga kabataang Tsino, hangad na makaraos sa pandemya ang mga kaibigang Pilipino
Dean ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila, dumalaw sa PKU