Estrella – Pantaleon Bridge na may ayuda ng Tsina, bukas na; Pangulong Duterte, dumalo sa inagurasyon

2021-07-30 12:45:04  CMG
Share with:

 

Estrella – Pantaleon Bridge na may ayuda ng Tsina, bukas na; Pangulong Duterte, dumalo sa inagurasyon_fororder_微信图片_20210730145138

 

Idinaos Huwebes, ika-29 ng Hulyo, 2021 sa Manila ang inagurasyon ng Estrella-Pantaleon Bridge Project.

 

Estrella – Pantaleon Bridge na may ayuda ng Tsina, bukas na; Pangulong Duterte, dumalo sa inagurasyon_fororder_微信图片_202107301451381

 

Bunga ng pagbubukas ng tulay na ito, iikli sa 10 minuto ang tagal ng pagbiyahe sa pagitan ng Makati City at Mandaluyong City.  Pabubutihin nito ang daloy ng trapiko at kalagayan ng transportasyon ng Metro Manila.

 

Dumalo sa aktibidad na ito sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas, Embahador Huang Xilian ng Tsina sa Pilipinas, Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Sen. Bong Go, at ibang mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas.

 

Ipinahayag ni Duterte na ang proyektong ito ay isa pang milestone ng Build, Build, Build program. Pinasalamatan niya ang grant ng pamahalaang Tsino at ang kasipagan ng mga manggagawang nagtrabaho rito. Umaasa aniya siyang maisasaoperasyon ang mas maraming proyekto ng Build, Build, Build program sa hinaharap para makalikha ng mas mabuti at maginhawang pamumuhay ng mga mamamayang lokal at makatulong sa pagbangon ng kabuhayan ng bansang ito.

 

Ipinahayag ni Huang na ang tulay na ito ay isang mahalagang bunga ng kooperasyong pampamahalaan sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI) ng Tsina at Build, Build, Build ng Pilipinas.

 

Aniya, 7 kooperatibong proyektong pampamahalaan ng dalawang bansa ang kasalukuyang nasa implementasyon. Kabilang dito, ang pangunahing bahagi ng Binondo-Intramuros Bridge at Chico River Pump Irrigation Project ay inaasahang makukumpleto sa loob ng taong ito. Samantala, ang Philippine-Sino Center for Agricultural Technology-Technical Cooperation Program Phase III at ang Rice Donation Project ay nakatakdang matapos din ngayong taon.

 

Bukod dito, dagdag pa ni Huang, nilagdaan na ng Tsina't Pilipinas ang kasunduan hinggil sa pagpapautang sa Safe Philippines Project Phase I, at tinatayang sisimulan ang proyekto sa malapit na hinaharap.  Kasabay nito, pirmado na ang mga kontratang komersyal at  pinag-uusapan ang hinggil sa pagpapautang sa 4 na infrastructure projects, na kinabibilangan ng Samal Island-Davao City Connector Project, at Three Priority Bridges. Higit pa rito, mahigit sampung proyekto ay sumasailalim ng pagsusuri at pagbibiding sa Pilipinas.

 

Umaasa si Huang na ang naturang mga proyektong pangkooperasyon ay makapagdudulot ng mas maraming benepisyo sa mga mamamayang Pilipino.  

 

Sinabi rin ni Huang na nakahanda ang Tsina na ibayo pang palalimin ang kooperasyon sa Pilipinas sa iba’t ibang larangan para makatulong nang mas malaki sa paglaban ng Pilipinas sa pandemya ng COVID-19 at pagbangon ng kabuhayan sa hinaharap.

 

Pinasalamatan naman ni Sec. Villar ang tulong ng panig Tsino sa tulay na ito.

 

Ang tulay sa pagitan ng Estrella at Pantaleon ay tumawid sa Pasig River at nag-uugnay sa Makati  at Mandaluyong.  Ito ay  two-way at four-lane na tulay, na may habang 506 metro. Kada araw, kaya ng tulay na padaanin ang 50,000 sasakyan. Umabot sa Php 1.46 billion ang funding na ibinigay ng Tsina sa paggawa ng nasabing tulay.

 

Pagkatapos ng inagurasyon, naglakad sa tulay si Pangulong Duterte kasama sina Embahador Huang at Secretary Villar.

 

Estrella – Pantaleon Bridge na may ayuda ng Tsina, bukas na; Pangulong Duterte, dumalo sa inagurasyon_fororder_微信图片_202107301451382

Ulat: Ernest Wang

Content-edit: Mac/Jade

Web-edit: Jade 

Photo credit: Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas

Please select the login method