Binuksan nitong Miyerkules, Setyembre 8, 2021 sa Xiamen, Fujian, gawing silangan ng Tsina ang China International Fair for Investment and Trade (CIFIT) 2021.
Ang tema ngayong taon ay Introducing FDI at Going Global. Alok ng CIFIT 2021 ang mga pagkakataon para sa pagpapasigla ng domestiko at internasyonal na kalakalan at pamumuhunan sa gitna ng pandemya. Idaraos ito hanggang September 10 sa Xiamen International Conference & Exhibition Center. 5000 kompanya mula sa 100 bansa at rehiyon ang kalahok sa CIFIT 2021.
Ang delegasyon ng Pilipinas ay pinangunahan ni Ambassador to China Jose Santiago Sta. Romana at mga opisyal na naka-base sa Tsina mula sa Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI), Kagawaran ng Pagsasaka (DA) at Kagawaran ng Turismo (DOT).
Ang delegasyong Pilipino
Ana Abejuela, Agriculture Counselor to Beijing
Mario Tani, Commercial Vice Consul, PTIC Shanghai
Ang Pilipinas, sa ikalawang magkasunod na taon ay lalahok bilang guest country of honor.
Sa kanyang opening remarks sa Philippine Investment Forum na ginanap din sa araw ng pagbubukas, ipinahayag ni Ambassador Jose Santiago Sta. Romana ang taos pusong pagpapahalaga sa pamahalaang Tsino at tagapagtaguyod ng CIFIT sa natatanging katanyagang ibinigay sa Pilipinas bilang CIFIT Guest Country of Honor ngayong 2021 at maging noong 2020. “Ito ay nagbibigay ng mabuting pagkakataon para pukawin ang interes sa Pilipinas bilang destinasyong paglalagakan ng mga (dayuhang) puhunan,”aniya.
Ambassador Sta. Romana
Sa taong ito, ang mga aktibidad ng Pilipinas sa CIFIT 2021 ay napapaloob sa Make It Happen in the Philippines investment promotion campaign. At nakatuon sa walong importanteng sektor: Manufacturing, IT-BPM, Hyperscalers, Innovation and Digital Technologies, Agri-business, Real Estate Development, Renewable Energy at Infrastructure.
Ang Tsina ang pinakamahalagang economic partner ng Pilipinas sa kasalukuyan. Nasa unang pwesto ang Tsina sa 225 trading partners, ayon kay Senior Trade Representative JP Inigo ng DTI Guangzhou. Aniya pa, umabot sa RMB 271 bilyon ang bilateral trade. Nasa ikalawang pwesto ang Tsina sa pamumuhunan na nagkakahalaga ng RMB 2.048 bilyon. Ngunit maliit ito kumpara sa Chinese FDI outflows sa Amerika at Europa na umabot sa RMB 39 trilyon. Umaasa ang Pilipinas na lalaki pa ang pamumuhunan ng Tsina sa darating na mga taon, saad pa ni STR Inigo.
Sampung (10) exhibitors ang kasali sa CIFIT 2021 na kinabibilangan ng mga special economic zones ng Pilipinas. Idinaos din sa araw ng pagbubukas, bukod sa Philippine Investment Forum ang dalawa iba pa, ang forum na nakatuon sa industrial parks and centers sa pangunguna ng Philippine Economic Zone Authority at ang forum para sa construction and infrastructure opportunities.
Ayon sa DTI ang sektor ng konstruksyon ay isa sa mga pinakamalakas ng growth engine ng ekonomiya ng Pilipinas. At nilikha ng pamahalaan ang mga patakaran at reporma upang mas maging madali ang pagpasok ng mga negosyante at investors sa pag-asang pupunuan nito ang infrastructure gaps ng bansa.
Batay sa datos ng DTI, ang Tsina ang pinakamalaking export market na sumasaklaw sa 16.2% ng kabuuang pagluluwas ng bansa mula Enero hanggang Mayo 2021. Nangunguna rin ang Tsina bilang pinagmumulan ng imports o pag-aangkat na may 27% share. Pagdating sa Foreign Direct Investment, umabot sa US$ 10.33M (RMB 66.94M) ang halaga mula Enero hanggang Mayo 2021, mas mataas ito ng 128% kumpara sa parehong panahon noong isang taon.
Sa kanyang mensahe sa pagtatapos ng Philippine Investment Forum, sinabi ni Senior Trade Representative Glenn G. Peñaranda, Commercial Counsellor ng Philippine Trade and Investment Center sa Beijing na apat (4) na Letters of Intent ang pinirmahan sa panahon ng CIFIT 2021. Pinatutunayan nito ang malakas na interes ng mamumuhunang Tsino sa mga oportunidad na alok ng Pilipinas.
Glenn G. Peñaranda, Senior Trade Representative, PTIC Beijing
Kasalukuyan ding nakikipagtulungan ang Pilipinas sa Bank of China. Bilang strategic partner, isinasagawa ng Bank of China ang pagpapalaganap ng kaalaman sa merkadong Tsino tungkol sa mga proyektong pangkalakalan at pamumuhunan ng Pilipinas. Ang naturang bangko ay may komersyal na lisensya mula pa noong 2002.
Philippine Investment Forum Registration
Ulat: Machelle Ramos
Content-edit: Jade/Mac
Web-edit: Jade/Vera
Larawan: PITC China